NAHUKAY sa Tsina ang labi ng isang well-preserved ‘sea monster’ na minsang nanalasa sa mga karagatan habang naghahanap ng makakain noong kapanahunan ng Cambrian.
Ang 520-milyong-taon gulang na hali-maw, isa sa kauna-unahang predator sa panahong iyon, ay mayroong maraming mata, katawan na nababalot ng buto at dalawang kukong hugis kalawit.
Bago ang Cambrian Period, na tumagal mula 543 milyon hanggang 493 mil-yong taon nakalipas, ay may buhay na ang karamihan ay tulad lamang ng algae at mga stationary na hayop na kawangis ng dikya, subalit sa pagsapit ng Cambrian, nagkaroon ng mabilis na ebolusyon kaya sumabog ang biodiversity sa karagatan para magsilitaw ang mga lumalangoy na hayop na may maraming mata, jointed legs at matigas na exoskeleton.
Sa panahon ding ito nagsulputan at dumami ang grupo ng mga hayop na kawangis ng hipon at kung tawagin ay mga anomalocaridid. Ang nasabing mga sinaunang ‘sea monster’ ay ang pangunahing mga predator sa mga karagatan ng Cambrian. Protektado sila ng bladed body armor at may bibig na hugis-trompo na binubuo ng concentric na mga plato o kaliskis. Ilan sa pinakamalaki ay umaabot hanggang 6 na talampakan (1.8 metro) ang haba.
Ang bagong nadiskubreng species ng Cambrian predator ay pinagalanang Lyrarapax unguispinus, na may habang 6 na pulgada (15 sentimetro) at buntot na katulad ng sa isang ulang (lobster) at dalawang malalaking sipit. Batay sa utak ng hayop na pinag-aralan na ng mga siyentista, ang Lyrapapax ay kamag-anak ng grupo ng mga velvet worm.
Kinalap ni Tracy Cabrera