Monday , December 23 2024

Si Tuquero pa rin ang prexy ng PLM

NANATILI si dating Justice secretary Artemio Tuquero bilang pangulo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa bisa ng status quo ante order na inilabas ni Judge Liwliwa S. Hidalgo-Bucu ng Manila Regional Trial Court Branch 34.

Ibig sabihin, hanggang pantasya na lang muna ang pagnanais ni Amado Valdez na maging bagong pinuno ng PLM.

Mas matimbang sa korte ang argumento ni Tuquero na walang bisa at pinagkaitan siya ng due process nang bigla na lang italaga ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada ang atat na mapuwestong si Valdez bilang kapalit na pangulo ng unibersidad.

Nakasaad sa PLM Charter na anim na taon ang termino ng pangulo ng unibersidad at puwede lang mapatalsik kapag sinampahan siya ng reklamo sa apat na kadahilanan: “Incapacity; Incompetence; Dishonesty; and/or conviction of a crime involving moral turpitude.”

Kaya walang basehan ang pagsibak ni Erap kay Tuquero dahil hindi naman siya nakasuhan sanhi ng mga nabanggit na dahilan, gusto lang siyang alisin ni Erap, gamit ang resolution ng Board of Regents na nagtatalaga kay Valdez bilang bagong PLM prexy.

Ang PLM ay itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 4196 kaya’t hindi saklaw ng Civil Service Commission (CSC) ang kuwalipikasyon ng mga naitatalagang miyembro ng Board of Regents sa naturang pamantasan.

Wasto ang pagpalag ni Tuquero para kuwestiyonin ang illegal na utos sa pagkakatalaga ni Erap kay Valdez at ito ang magiging sampal sa pagmumukha ng sentensiyadong mandarambong na ang nakahumalingang bisyo ay lumabag sa batas.

“DURA LEX, SED LEX”

MARAMI ang nagbuwis ng buhay bago nagtagumpay ang sambayanang Pilipino na maibalik sa bansa ang demokrasya noong 1986, kabilang sa kanila si dating Senador Benigno Aquino, Jr.

Nang maluklok si Pangulong Cory Aquino sa Palasyo, agad niyang ibinasura ang 1973 Constitution at ang Batasang Pambansa.

Habang binabalangkas pa ang 1987 Freedom Constitution at habang hindi pa nabubuo ang bicameral Congress (Mababang Kapulungan at Senado), naglabas ng Administrative Code si Pangulong Cory bilang kanyang legislative power.

Ayon sa isa sa mga may-akda ng 1987 Freedom Constution na si Fr. Joaquin Bernas, ang iginigiit ni President Benigno Aquino III na Section 49 ng Administrative Code of 1987 bilang kanyang basehan nang ipatupad ang kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP), ay wala nang bisa.

Nang umiral na ang 1987 Constitution, kasabay na nawala ang legislative power ng Pangulo dahil mayroon nang Kongreso at ang mga mambabatas na ang binibigyan ng kapangyarihan na gumawa ng batas, maging sa “power of the purse” na sila lang ang puwedeng mag-apruba ng pambansang budget o General Appropriations Act (GAA) kada taon.

Ayon kay Bernas, tama ang Korte Suprema nang ideklara ang DAP na unconstitutional, dahil ipinagbabawal na sa Article VI Section 25 sa 1987 Constitution ang paglilipat ng budget o savings” ng isang departamento o ahensiya ng gobyerno sa ibang kagawaran o tanggapan, nang walang pahintulot ng Kongreso.

Sabi nga, “The end does not justify the means,” kaya’t hindi maaring igiit ni PNoy at ng Palasyo ang pagsalamangka o paglipat-lipat sa budget ng mga opisina at tanggapan nang walang pahintulot ng Kongreso, kahit pa sabihing malinis ang hangarin na gamitin ang pondo sa pagpapatupad ng anomang programa at proyekto na maaaring makabubuti sa kapakanan ng mamamayan.

Masakit man ang katotohanan ay kailangan tanggapin at kilalanin natin ang batas, na kung tagurian sa legal parlance ay “dura lex, sed lex.”

MAG-INGAT SA MGA “UROT”

NATUWA naman sa paghamon ni PNoy sa Korte Suprema kaugnay sa DAP ang mga nilalang na gustong maluklok sa Malacañang sa pamamagitan ng “extra-constitutional” na paraan, dahil alam nilang hindi sila magwawagi sa halalan.

May mga nakapuna na bago umalma si PNoy kontra-Korte Suprema, ibinulalas ang statement of assets and liabilities and net worth (SALN) ng mga mahistrado kahit pa may internal rule ang SC na hindi ito ibuyangyang sa publiko at inlabas din ang Commission on Audit (COA) report hinggil sa Judicial Fund.

Taktika kaya ito gaya nang ginawa kay dating Chief Justice Renato Corona, para mawala ang tiwala ng publiko sa Kataas-taasang Hukuman?

May hawak kaya ang Palasyo laban sa mga mahistrado, lalo na’t bago ang President’s Address to the Nation (PAN), ay kinuwestiyon din ni rehab czar Panfilo Lacson ang pasya ng SC kontra-DAP?

Si Lacson ay kilalang eksperto sa pangangalap ng “dossier” sa iba’t ibang personalidad at maaaring ito ang ‘nagustuhan’ sa kanya ni PNoy.

Sakaling umiral ang constitutional crisis o banggaan ng Ehekutibo, Lehisltura at Hudikatura, baka samantalahin ng mga atat makapuwesto sa Palasyo para agawin ang kapangyarihan na kung tawagin ay military takeover.

Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *