MARAMING SINALANTA ANG DELUBYO SA BISAYA PERO NANATILING BUHAY ANG PAG-ASA KINA TITSER LINA
Dinig na dinig din nilang dalawa ang ti-lian at sigawan ng kanilang mga kabarangay. Bawa’t isa ay nananaghoy ng pagsu-sumamo sa Diyos na iligtas sa kapahamakan. “Oh, Diyos, saklolohan Mo po kami!”
Kinaumagahan, sa pag-aliwalas ng kalangitan dakong tanghali ay nalantad ang kalunos-lunos na larawan ng buong kapaligiran. Dinaanan daw ng “delubyo” ang ba-yan ng Guiuan. Nangawasak ang mga kabahayan doon sa malalakas na hampas ng hangin. Nangagtumba ang mga punong niyog at iba pang punongkahoy. Nangalagot ang mga kawad ng koryente. Nangamatay ang mga alagang hayop. Hindi iilan sa mga residente ng bayan ang nangasawi sa iba’t ibang trahedya: may nabagsakan ng nabuwal na punongkahoy o ng lumipad na bubong na yero, may nalagutan ng hininga sa labis na panlalamig, mayroong binawian ng buhay sa malabis na pagkatakot at mayroon din namang natuluyan sa tinataglay na karamdaman.
Napag-alaman ni Titser Lina na higit na nasalanta ng bagyo ang Tacloban, Leyte. Libo-katao ang nangamatay at labis na na-pinsala rin ang kabuhayan ng lahat ng mamamayan. Pero gaya ng kapalarang dinaranas ng mga taga-Leyte na nangagugutom, nangauuhaw at dinadapuan ng sari-saring karamdaman, ang Guiuan na unang nilandingan ng bagyong Yolanda ay hindi rin nakatatanggap ng saklolo sa gobyerno.
Makaraang hagupitin ng kalamidad ang bansa ay nanatiling nakanganga nang ilang araw ang mga opisyal ng gobyerno na dapat magmalasakit at kumalinga sa mga kapos-palad. Tulak ng kagutuman ay tuluyan nang humulagpos ang katinuan ng isip at disiplina sa sarili ng mga kumakalam ang tiyan. Ninakawan ang mga sari-sari store at gro-serya. Sinalakay ang malalaking tindahan na naglalaman ng mga de-latang pagkain at isinabotelyang inumin.
Limang araw matapos ang pananalasa ng bagyo ay nakarating din sa bayan nina Titser Lina ang bulto-bultong relief goods. Nagboluntaryo siya sa pamamahagi niyon sa kanilang mga kabarangay. Nakasama niya roon si Titser Edna at ang mga opisyal ng barangay. Mahabang-mahaba ang dalawahang linya ng pila ng pagkakalooban ng mga biyayang pantawid gutom at uhaw. Sa pagpila ay may mga nag-una-unahan, nagkatulakan at nagbalyahan. At mayroon pang maiinitin ang ulo na napaaway.
(Itutuloy
ni Rey Atalia