DAHIL tinalakay natin nitong huli ang namamayagpag na kalakalan ng laman sa Angeles City, nagtataka ako kung bakit bukod sa hindi tuloy-tuloy ang pag-aksiyon ng pulisya, ay paulit-ulit na nagbabalik ang mga sex worker at ang kanilang mga bugaw sa kanilang “trading place?”
Bagamat dapat na ipaubaya na lang sa simbahan ang pagtalakay sa mga isyu ng moralidad sa usaping prostitusyon, nagdudumilat naman ang mga katanungang dapat mabigyan ng kasagutan, puwera na ang kawalan ng pagkilos mula sa awtoridad, na isa pang kapansin-pansin at kaduda-duda.
Halimbawa na lang, hindi maitatanggi ang pagiging talamak at mistulang pagtanggap na bilang pangkaraniwan sa prostitusyon na direktang nauugnay sa sitwasyon ng ekonomiya sa isang komunidad o sa isang bansa.
Ibig ko’ng sabihin, kung mas malala ang lagay ng ekonomiya, mas malaki ang tsansang mamayagpag ang prostitusyon.
At kung ang prostitusyon ay resulta ng sadlak na ekonomiya, maaari rin ba itong—gaya ng iba pang economic factors—makontrol o daanin sa negosasyon?
O ang prostitusyon ba ay maaaring sukatin? Mas kakaunti ba ang kasalanan ng isang babaeng tuwing weekend lang rumarampa kompara sa gabi-gabing naglalako ng kanyang ‘paninda’ sa kalsada?
O may sarili ba’ng sukatan ang batas sa bagay na ito, depende kung unang beses lang lumabag o kung paulit-ulit na para ba’ng suki na?
Siguro ito na lang ang dapat itanong: kung ang prostitusyon ay isa nang katanggap-tanggap na pagkakakitaan, puwede kayang palitan na lang ito o halinhinan ng iba?
***
Masasabi sa iyo ng isang matandang may sapat nang karanasan na ang prostitusyon ay ang pinakamatandang propesyon sa mundo. Umiiral na ito bago pa man ipinalamon ang mga Kristiyano sa mga leon.
Pero kung tunay ngang may kaugnayan ito sa pananamlay ng ekonomiya, dapat na matagal na itong hindi uso sa Amerika dahil ang bansang ito ang itinuturing na isa sa pinakamayayaman at may pinakamasiglang ekonomiya sa mundo. Pero, talamak pa rin ang prostitusyon sa lahat ng estado ng U.S. of A.
Kung maaari naman itong palitan bilang propesyonal na pagkakakitaan, bakit nariyan pa rin ang prostitusyon sa kabila ng napakaraming bagong trabaho para sa kababaihan, gaya ng nursing, pagtuturo ng social work, medical technology at may ilan na rin sumabak na sa mga propesyong dati ay dominated ng mga lalaki, gaya ng medisina, abogasya, engineering, at kahit paggagalugad sa kalawakan?
Bakit patuloy na namamayagpag ang prostitusyon? Ito nga ba ay dahil sa pangangailangan sa pera o pangangailangan para sa espesyal na social at economic status?
O ang prostitusyon ba ay epekto ng mga kabiguan ng lipunan, gaya ng kawalan ng edukasyon, mabuway na pagmamahal at suporta ng pamilya, paglalaho ng social values at pagtulog sa pansitan ng ilan sa simbahan na ang boses ay bahagya nang maulinigan ng mga karaniwang tao?
Sa ngayon, dahil wala pa ako’ng makuhang malinaw na sagot, kontento lang muna ako sa pagtatanong.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.