MASASABING naging matagumpay ang mga awtoridad sa Tsina sa paglunsad ng kampanya laban sa paglaganap ng pornograpiya at bulgar na impormasyon sa Internet.
Tinutukan ng nasabing anti-porn drive ang mga website, online game, online advertisement, web page, column, forums, blog, microblog at social network website na nagpapalabas ng malalaswang bagay.
Layunin nito na lumikha ng ‘benign Internet environment’ para sa mga kabataang Intsik habang sila ay nasa kanilang summer holiday, mula buwan ng Hulyo hanggang pagtatapos ng Agosto, ulat ng Xinhua sa opisyal na pahayag ng State Internet Information Office (SIIO).
Ayon ay SIIO, nagawang ipasara ang mga website at online game na naglalaman ng pornographic information. Sinabi rin nito na nagsagawa ang mga ahensiya ng pamahalaan ng pagsisita sa mga tindahang nagbebenta ng mga produktong electronic o audio-visual at ang mga Internet bar para burahin ang paglaganap ng pornograpiya.
Kabilang sa iba ‘pag mga ahensyang lumahok sa kampanya ay ang National Office Against Pornographic and Illegal Publications, at gayon din ang mga ministeryo ng pampublikong seguridad, industriya at information technology at kultura.
Kinalap ni Tracy Cabrera