ni Ed de Leon
HINDI na maganda ang inaabot ng pagsasagutan nina Freddie Aguilar at anak na si Maegan. Simple lang ang pinagsimulan ng kanilang away, iyon daw ay iyong gulay na napabayaang mabulok sa kanilang refrigerator at iyong utang ni Megan sa tatay niya na P1,500 na hindi pa niya nababayaran.
Ayon kay Megan, pinalayas sila ni Freddie sa kanilang bahay. Si Megan at ang kanyang partner ay tumutuloy pansamantala sa isang hotel matapos silang lumayas sa bahay ni Freddie.
Marami pang ibang hinanakit si Megan. Sumama raw ang ugali ni Freddie simula nang magpakasal iyon sa kanyang girlfriend na menor de edad. Pinagtataguan pa raw sila ng pagkain at naging maramot sa kanila, pero ang pamilya ng bagong asawa ay ibinili pa ng bahay. Kung natatandaan ninyo, isang taon lang ang nakararaan, si Megan pa ang nagtatanggol sa love affair ni Freddie sa menor de edad niyang girlfriend, pati na ang kanyang pagpapabinyag sa Islam para lamang mapakasalan ang girlfriend na menor de edad at hindi nga pinapayagan sa ilalim ng batas, pero sa mga Muslim kasi okey iyon.
Ngayon, iba na ang tono nila sa isa’t isa.
Iyang mga bagay na ganyan, talagang maaasahan mong mangyayari. Ano nga ba ang aasahan mo sa love affair ng isang 60-anyos na lalaki at isang babaeng menor de edad, tapos makakasama pa ang kanyang mga anak na mas may edad kaysa kanyang bagong asawa. Natural magiging problema iyan. At hindi lang iyan, marami pa kaming inaasahang susulpot na problema riyan pagdating ng araw. Iyon naman talaga ang aasahan mo eh. Kahit na anong pagdadala ang gawin ng isang lalaki sa ganyang klase ng relasyon, hindi maikakaila na apektado pa rin sila ng gap sa kanilang henerasyon. Iba siyempre ang kaisipan ng matanda sa kaisipan ng isang bata. Iyang sinasabi nilang “pag-ibig” emotions lang iyan eh. Pagtagal-tagal na nawala na iyang emotions, doon na magsisimula ang problema. Siguro nga sa ngayon medyo high pa si Freddie na ang asawa niya ay batambata. Iyon namang babae, high din iyan dahil isipin mo from being a nobody asawa siya ngayon ni Freddie Aguilar. Pero paglipas ng ganyang damdamin, ano pa ang aasahan mo?