LUMALALA ang problema ng bansa sa drug abuse. Nakalulungkot na sa mahigit 103 milyong Pinoy ngayon, halos dalawang milyon ang gumagamit ng ilegal na droga upang mairaos ang araw-araw dahil sa kahirapan at iba pang problema. Mas nakatatakot, para sa kanila, ang pagharap sa araw-araw na hamon ng buhay kung wala nito.
Mahigit isang milyon sira na ang kinabukasan ay kabilang sa (19.1 porsiyento ng populasyon) 19.5 milyong kabataan na edad 15-24.
Kung kanyang kapalaran, posibleng isa sa kabataang drug users na ito ang pangulo na kinakailangan natin upang isalba ang bansa sa kaguluhan sa hinaharap, kung hindi lang sana siya nag-”trip” sa impiyernong may “heavenly high.”
Ang Pilipinas ang may pinakamaraming kaso ng pag-abuso sa methamphetamine hydrochloride o shabu sa East Asia, ayon sa huling United Nations World Drug Report.
Tinukoy ng US Department of State ang nasabing UN report sa 2012 International Drug Control Strategy Report nito, na nasa website ng United States embassy sa Maynila.
At dahil mabilis dumami ang mga gumagamit ng illegal drugs sa nakalipas na mga dekada, natural lang na magtayo na ng sariling pabrika ang drug manufacturers sa bansa sa pamamagitan ng mga sekreto at kitchen-type nilang laboratoryo. Ang ilang sindikato ay gumagamit pa ng mga Pinoy bilang couriers o “mules” para sa mga drogang mula sa Africa na ilalako sa Asia.
Totoong ang paggawa, bentahan at paggamit ng ilegal na droga ay mga problemang kinakaharap nating mga Pilipino bilang mamamayan at bilang isang bansa. At eksperto ang mga drug lord sa pagsasamantala sa talamak na korupsiyon sa gobyerno, sa mga law-enforcement agency na kulang sa tao at kapos sa pondo, at sa malamyang judicial system, upang mapanatili ang kanilang mumunting kaharian sa bansa.
***
Ang shabu o “ice” (taguri rito sa ibang bansa), na pumasok sa local market noong 1986, ang bumubuo sa 95 porsiyento ng pinakanaaabusong droga ngayon. Nakababahala ang pagdami ng mga Pinoy na nalululong sa drogang ito at parang bigo ang halos lahat ng anti-drug drive ng gobyerno na matuldukan ang problema.
At sa gitna ng nakababahalang katotohanang ito, nilagyan na ng ngipin ang batas (RA 9165) na dati ay tuka (ang lumang RA 6425 na inamyendahan noong 2002) lang ang meron, upang tuluyan nang durugin ang kalakalan ng illegal drugs na may taunang kita na aabot sa P204 bilyon.
Bagamat meron na tayong batas na nagpaparusa sa money laundering (ang pangunahing motibo sa bentahan ng droga) at isang epektibong drug enforcement strategy, gaya ng pagkontrol sa delivery operations, at pandaigdigang kasunduan sa extradition at pagpapalitan ng foreign intelligence at training, ang pagtugis sa drug lords at overlords ay hindi nagbibigay ng instant na solusyon. Dapat magtulungan ang gobyerno at ang pribadong sektor sa pagtukoy sa mga gumagamit at pag-rehabilitate sa kanila.
Makatutulong ang batas upang gawing requirement sa lahat ng eskuwelahan at opisina ang drug tests. Hindi naniniwala ang Firing Line na isa itong paglabag sa karapatang pantao dahil layunin lang nitong siguruhin ang kalusugan ng bawat tao at ang seguridad ng mga hindi gumagamit ng droga mula sa mga nangangailangan ng rehab.
Ganito rin ang ideya sa pagpapaiwas sa mga hindi naninigarilyo sa delikadong usok ng mga nagyoyosi. Dahil kung pakaiisipin, kung walang gumagamit ng ilegal na droga ay wala rin naman may gusto na maging drug pusher.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.