SA PAGKAKATAONG ito ay natuwa tayo kay Justice Secretary Leila De Lima nang sibakin niya sa pwesto si Elmer Mitra, ang chief city prosecutor ng Pasay City.
Sinibak ni Secretary De Lima si Mitra matapos palayain ng isa sa kanyang assistant prosecutor ang Chinese national na naaresto sa pagdadala ng sandamakmak na baril, ilan sachet ng shabu, granada at naghabol pa ng saksak sa isang Joseph Ang, ang sinasabing, notorious casino financier sa Resorts World na pinagsanlaan daw niya ng kanyang relong Rolex.
Ipinalit ni SOJ si Niven R. Canlapan bilang bagong chief prosecutor ng Pasay City.
Bukod sa nasabing insidente, matagal na rin umano nakatatanggap ng reklamo si Madam Leila na inaakusahan ang mga Pasay fiscal na napakagaling maglaglag at mag-downgrade ng kaso sa ‘tamang halaga.’
Ang bulungan nga sa Department of Justice, nasa Pasay umano ag pinakamalaking bilang ng mga ‘corrupt’ na prosecutors.
Kaya napapanahon lang daw na i-reshuffle ang mga fiscal sa Pasay kahit na ‘yung medyo tapat sa kanilang tungkulin.
Bukod d’yan, dapat din imbestigahan ni Secretary De Lima kung sino-sino ang mga fixcals ‘este’ fiscal na madalas nakikita sa mga Casino d’yan sa Pasay City at nagpapatalo ng daan-daang libo hanggang milyon.
‘E sa totoo lang, kilalang-kilala sa Pasay City hanggang sa DOJ kung sino-sino ang mga fiscal na ‘yan na lulong sa casino.
Dapat lang na i-lifestyle check ang mga fiscal na ‘yan para malaman kung saan sila kumukuha ng kwartang ipinangsusugal nila.
Aba, bukod sa labag ‘yan sa Code of Canon law na sinumpaan ng mga abogado at civil servants ‘e nakapagtatakang tunay kung paano silang nagkakwarta nang ganyan kalaking halaga.
Busisiin po ninyo Madam Leila de Lima at ng Ombudsman ang Pasay City prosecutors!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com