ITONG ginagawa ngayon ng Meralco sa sambayanang consumers at sa gobyerno ay talagang BIGTIME BLACKMAIL.
Mantakin ninyong takutin ang Supreme Court na kung hindi tatanggalin ang temporary restraining order (TRO) sa power rate hike ‘e mapipilitan daw silang magpatupad ng rotating brownouts?!
Sonabagan!!!
Only in the Philippines lang talaga!
Simple lang po ang istorya rito.
Nang mag-shutdown ang Malampaya natural gas field at iba pang power plants na dati nang nagsu-supply ng power sa Meralco, naghanap sila ng alternatibong power sources gaya ng diesel at bumili ng supply sa wholesale spot market (WESM) na mas mataas ang rate.
Normal na dahil mas mataas, madaragdagan ang gastos ng Meralco at mababawasan ang GANANSIYA nila.
Kaya gusto nilang itaas ang presyo ng koryente. Buti na lamang at mayroon mga consumers’ organization na agad naghain ng petisyon kaya nakapagpalabas ng 60-day TRO ang Supreme Court.
Kaya ‘yun mataas na Meralco billing noong Disyembre ay pinabayaran na lang nila katulad noong billing ng Nobyembre.
Kahit na 60 araw lang ‘yan ay malaking tulong sa sambayanang consumers.
Pero ang pinag-uusapan nga, after 60 days, ano ang gagawin ni Energy Secretary Jericho Petilla?!
Papayagan ba niyang magkaroon ng rotating brownouts na tiyak na magkakaroon ng malaking epekto sa takbo ng ekonomiya ng bansa.
Habang pakuya-kuyakoy lang ang Meralco dahil ibinibigay nila ang paghahanap ng solusyon sa gobyerno.
Mantakin ninyo pinagkikitaan nila nang malaki ang mga natural resources natin pero kapag nagkakaproblema ‘e ang una nilang hakbang IPASA at GATASAN ang sambayanan?!
Ayaw mabawasan ang milyon-milyones na kinikita nila mula sa consumers, kaya kapag may krisis sa mga power supplier ‘e agad ipinapasa sa consumer.
Ang lugi nila at bayarin sa mga abogado nila ay sa atin mga consumers rin ipinapasa!
Aba ‘e kung ganyan lang din ang alam nilang solusyon, kaya rin ng gobyerno ‘yan.
‘E mas mabuting ibalik na sa gobyeno ‘yang Meralco!
Tutal naman ‘e pag-aari ng sambayanan ang mga pinagkukunan ng lakas-enerhiya.
Hindi ba’t natural resources ‘yan?
‘E bakit pribadong kompanya ang nakikinabang?!
Solusyonan mo nang tama, Energy Secretary Petilla!
‘Wag ‘yung solusyong patapal-tapal lang!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com