ANG ipinasang may pinakamahal na singil sa koryente sa Southeast Asia at tayo rin ang ikalima sa buong mundo. Wakanabits, men! Kung pataasan lang naman ng bayad sa koryente ang pag-uusapan, hindi magpapahuli ang ating kinawawang bansa sa gaya ng Europe at iba pa. Tsk tsk.
Nabanggit ko ito, mga kanayon, dahil halos maduwal ako sa balitang nananakot raw ang Manila Electric Company o MERALCO na maaaring magkaroon ng ROTATING BROWNOUTS sa kamaynilaan dahil sa pagkakapalabas ng temporary restraining order ng Korte Suprema noong Disyembre na humaharang sa pagtataas ng presyo ng koryente ng tumataginting na mahigit 4 pesos kada kilowatthour. Ito na ang pinakamataas na rate hike sa kasaysayan. Record breaking!
Pero dahil nabinbin ito, sinabi ng kompanya na maaaring magaya tayo sa Mindanao na nakararanas ang mga tao ng ilang oras na kawalan ng koryente kada araw. Kumbaga, inilalako po ang serbisyo ng koryente. Sa ganitong paraan anila makakbabawi ang kompanya ng elektrisidad sa mga nalugi umano dahil sa isinagawang MAINTENANCE SHUTDOWN ng Malampaya gas plant noong Nobyembre hanggang Disyembre. Ang masama, sumabay din sa Malampaya ang ilang power generators sa Luzon kung kaya’t lalong nagkaletse-letse ang distribusyon ng Meralco.
Marami po kasing pinagkukuhaan ng koryente gaya ng Malampaya at mga geothermal at hydroelectric power plants. Mayroon din INDEPENDENT POWER PRODUCERS na nagbebenta ng kor-yente. Sa madaling salita, ang Meralco ang nagpapakalat sa Metro Manila at iba pang karatig lugar. Ang ibang probinsiya naman ay sa mga Electric Cooperatives umaasa sa distribusyon.
Dahil nabawasan ang supply ng koryente dahil sa MAANOMALYA at KADUDA-DUDANG SABAY-SABAY NA MAINTENANCE SHUTDOWN, nagmahal ang bili sa koryenteng dumadaloy sa mga linya ng Meralco. Siyempre sino ba ang tatamaan nito kundi ang kawawang si Juan at Juana Dela Cruz!
Ang ugat, ang NILUTONG MAKAW na EPIRA LAW o Electric Power Industry Reform Act na ayon sa mga kritiko ay UNCONSTITUTIONAL. Labag daw ito sa Saligang Batas dahil im-bes bumaba ang singil at presyo ng koryente sa pag-aakalang ang malayang kompetisyon ay magdudulot ng pababaan ng presyo, ang EPIRA mismo ang sumira rito dahil mayroon pro-bisyon na nagsasabing puwedeng pumasok sa BILATERAL AGREEMENT ang mga power producers. Sa madaling salita paanong magkakaroon ng malayang labanan at pababaan kung puwede palang PAG-USAPAN na lamang ang tungkol sa presyo ng koryente? Hindi po ba isa itong kaululan at panlilinlang sa taumbayan?
Well, sa kabila ng lahat, wala naman malulugi sa kanilla! Sino naman ang papayag na maungusan ng tubo ng kakompetensiya? Kaya’t kanya-kanyang diskarte ang mga walanghiya. Wala tayong magagawa sa ngayon dahil nasa ilalim tayo ng rehimeng may kalayaan sa pagnenegosyo at KALAYAAN SA PAGKAMAL NG TUBO!
Hindi naman natin puwedeng agawin sa kanila ‘yan dahil hindi naman tayo komunista.
Hmmm… Bakit hindi?
Joel M. Sy Egco