DALAWANG anak ko ang nag-aaral sa isang Catholic school na eksklusibo sa mga babae sa Quezon City. Nang minsan buklatin ko ang kanilang student handbook, nabasa ko ang section tungkol sa proper grooming. Nakasaad sa polisiya: “Very short haircut, highlighted and/or colored hair is not allowed.”
Napaisip ako. Noong ako ay nasa high school pa, ipinagbabawal sa mga babae ang kulayan nang mapusyaw ang buhok at idinedetine sa principal’s office kapag sumuway. Sa mga lalaki naman, hindi kami puwedeng magpahaba ng buhok. Magiging argumento ito sa pagitan ng mga estudyante at teachers, at siyempre pa, talo ang mga estudyante.
Naiintindihan ko na may karapatan ang mga eskuwelahan na gumawa ng sarili nitong mga polisiya, pero hindi naman ito nangangahulugan na lagi silang may katuwiran. Tama man o hindi, obligadong sumunod ang mga estudyante bilang bahagi ng mga kondisyon para matanggap sa nasabing eskuwelahan.
Naniniwala ako na hindi na akma sa ngayon ang mga regulasyon tungkol sa buhok. Kinokontra nito ang personal freedom na alinsunod sa Konstitusyon.
‘Yung sa uniporme, tama lang. Mahalaga ito sa seguridad ng mga estudyante at bahagi ng disipilina sa mga estudyante at guro habang nasa paaralan. At siyempre pa, puwedeng-puwedeng magpalit ng damit pagkatapos ng klase. Pero ang hairstyle o kulay nito? Bahagi ito ng estudyante 24-oras at kapag nakikisama sa kanyang pamilya at mga kaibigan pagkatapos ng klase.
Ang pagbabawal sa pagkukulay o kakaibang style sa buhok ay nakapipigil sa self identification process na pinagdadaanan ng lahat ng teenagers.
Kung ang katuwiran sa likod ng polisiya (sa pagkukulay at pag-i-style sa buhok) ay nakaka-distract sa pag-aaral ng ibang estudyante, dapat na rin sigurong ipagbawal ang matitingkad o makukulay na posters sa mga classroom, gayundin ang makukulay na libro sa mga bookshelf, at maging ang funky-colored notebooks at pens na naka-aagaw ng pansin sa mga estudyante.
Sa totoo lang, hindi nakaapekto ang mga bagay na ito sa aking pag-aaral at pagkatuto. Pero sa buong panahon na nasa eskuwela ako, madalas na naglalakbay ang aking paningin mula sa loob ng classroom hanggang sa mga puno at sementadong kalsada na natatanaw ko mula sa bintana. Ang mga ganitong tanawin, bukod pa sa maaliwalas na langit, ang karaniwang nakaaagaw-pansin sa akin habang nakikinig sa lecture ng aking teacher.
So kailangan na rin ba’ng ipagbawal ang mga bintana?
Sa mga panahong ito, malaki na ang pagpapahalaga ng publiko sa individuality. Ang style at kulay ng buhok ay ilan sa mga paraan upang maipahayag ang unique character ng isang tao.
Alam ko’ng hindi ito sariling opinyon ko at ng aking mga anak. Sigurado ako na daan-daan, o baka libu-libo pang estudyante at magulang ang sumasang-ayon sa akin na ang umiiral at karaniwang polisiya sa style at kulay ng buhok ay nagtuturo sa mga mag-aaral, sa mura nilang edad, na mali ang pagbabago gayung sa totoo lang ay kabaligtaran ito: ang pagbabago ay isang mahalagang bahagi ng pagkatuto at ng paghubog sa self-identity.
Huwag na tayong maghintay pa ng “hair revolution” ng mga estudyante laban sa conservatism. Dapat na ikonsidera ng Department of Education ang concern na ito para sa mga estudyante at kumbinsihin ang mga eskuwelahan na masusing pag-aralan ang kanilang napakaistriktong regulasyon. Sa halip na magpatupad ng uniformed policy sa mga mag-aaral, nagbubunsod ito ng stereotypes at binabalewala ang sense of self-worth ng estudyante.
Sa huli, kapag nasa paaralan, pinakamahalaga pa rin kung ano ang NASA LOOB ng utak ng estudyante at hindi kung ano ang NASA IBABAW ng ulo nito.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.