IGINAGALANG ang Korte Suprema bilang pinakahuling pag-asa ng mamamayan upang malaman ang tunay na interpretasyon ng ano mang batas na umiiral sa bansa.
May mga nakapupuna lang sa tila pagkakaroon ng “express lane” sa Kataastaasang Hukuman, may mga kaso na mas mabilis na naaksiyunan kaysa sa iba.
Isang halimbawa rito ay pagbaba ng pinal na desisyon ng Supreme Court sa loob lamang ng limang buwan na disqualified candidate si Marinduque Rep. Regina Reyes sa 2013 elections dahil siya’y US citizen.
Ang idinulot ng pasya ng Kataastaasang Hukuman ay ang pagkaluklok na kongresista ng katunggali ni Reyes na si Lord Allan Velasco, anak ng isa sa mga mahistrado ng Korte Suprema na si Presbitero Velasco.
Nariyan din ang pagkatig ng Supreme Court noong nakalipas na Hunyo sa pinal na desisyon ng Comelec na diskuwalipikadong kandidato sa pagka-alkalde sa Zamboanga City dahil siya’y convicted child rapist at inalis na ang karapatan niyang bumoto, maihalal sa alinmang posisyon sa gobyerno kaya’t habambuhay siyang diskuwalipikado, batay sa Sec. 2 Art. 30 ng Revised Penal Code (RPC).
Naibaba ng Korte Suprema ang pasya sa kaso ni Jalosjos, limang buwan mula nang maihain ni Jalosjos ang kanyang petisyon laban sa pagdiskuwalipika sa kanya ng Comelec bilang mayoralty candidate.
Kahit ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni Jalosjos dahil ito’y “moot and academic” na dahil tapos na ang halalan, binanggit pa rin ng Kataastaasang Hukuman ang naging legal na batayan sa isyung ito.
Hindi ba ang election cases ay pangalawa sa hierarchy bilang prayoridad na nangangailangan ng madaliang pagresolba ng hukuman at Korte Suprema?
“LANDMARK ELECTION-LAW DOCTRINE” SA MAQUILING CASE, GAMITIN KAY ERAP
NOONG Abril 13, 2013 ay inilabas ng Supreme Court ang isang desisyon na isinulat mismo ni Chief Justice Lourdes Sereno, na nagtakda ng isang bago o landmark election-law doctrine.
Ito’y may kinalaman sa pinal na pagdiskuwalipika sa isang kandidato sa lokal na halalan matapos siyang iproklamang nagwagi, at ang kandidato sa nasabi ring posisyon na nakakuha ng susunod na pinakamaraming boto ang ipoproklamang tunay na nanalo.
Ang dating doktrina ay ang vice mayor o ang vice governor, ang papalit sa diskuwalipikadong nanalong mayor o gobernador, at hindi ang kandidato sa pareho ring posisyon na pumangalawa sa bilang ng boto.
Ayon kay Sereno si Casan Maquiling ang dapat na umupong mayor ng Kauswagan del Norte kapalit ni Rommel Arnado na diniskuwalipika bilang kandidato sa pagka-alkalde sanhi ng pagiging US citizen. Anang Chief Justice sa kanyang desisyon:
“With Amado being barred from even becoming a candidate, his certificate of candidacy is thus rendered void from the beginning. It could not have produced any other legal effect except that Amado rendered it impossible to effect his disqualification prior to the elections because he filed his answer to the petition when the elections were conducted already and he was already proclaimed the winner.
To hold that such proclamation is valid is to negate the prohibitory character of the disqualification which Amado possessed even prior to the filing of the certificate of candidacy. The affirmation of Amado’s disqualification, although made long after the elections, reaches back to the filing of the certificate of candidacy. Amado is declared to be not a candidate at all in the May 201 0 elections. Arnado being a non-candidate, the votes cast in his favor should not have been counted. This leaves Maquiling as the qualified candidate who obtained the highest number of votes. Therefore, the rule on succession under the Local Government Code will not apply.”
Inilathala ni Atty. Manuel Laserna sa kanyang internet blogspot noong Hunyo 26, 2013 na ang nasabing desisyon ni Sereno ay nagbigay ng malaking tsansa kay Mayor Alfredo Lim na maideklarang “real (eligible) winner” sa nakalipas na halalan kapag nagpasya ang Korte Suprema na diskuwalipikadong kandidato si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada.
Hindi lang natin maintindihan kung ano ang pumipigil sa Korte Suprema na gamitin din ang naging basehan sa pagdiskuwalipika kay Jalosjos, gayong pareho sila ni Erap na convicted sa kasong kriminal.
CONDITIONAL PARDON BAWIIN,
ERAP IBALIK SA KULUNGAN
MALINAW rin na nilabag ni Erap ang pangako sa pardon na ibinigay sa kanya ni dating Gloria Macapagal-Arroyo na hindi na muling kakandidato sa ano mang posisyon sa gobyerno , nang tumakbo siya noong 2010 presidential elections.
Isa pang pagsuway sa conditional pardon ay ang kabiguan niyang ibalik sa kaban ng bayan ang P545,291,000.00 na bahagi ng desisyon ng Sandiganbayan nang hatulan siya na makulong habambuhay dahil sa kasong plunder.
Ang pagbabalewala ni Erap sa dalawang kundisyon sa pardon ay malinaw na nagpapahiwatig na walang batayan para patuloy niyang matamasa ang pansamantala lang na kalayaan niya bilang sentensiyadong mandarambong.
Bakit magkaiba ang pinaiiral na batas kay Erap, kumpara sa kaso nina Jalosjos, Reyes, Arnado at ng milyon-milyong Pilipino?
Para sa reklamo, suhestiyon at komentaryo tumawag o mag text sa 09158227400 / Email: [email protected]
Percy Lapid