Monday , December 23 2024

Sec. Coloma umeepal sa IBC midnight deal?

HANGGANG ngayon ay palaisipan pa kung bakit kinatigan ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Hermino Coloma Jr. ang itinuturing na midnight deal noong rehimeng Arroyo, ang joint venture agreement (JVA) ng mga dating opisyal ng Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC) Channel 13 at ng R-11 Builders/Primestate Ventures Inc. ni Reghis Romero III kahit pa lugi rito ang gobyerno.

Sa naturang JVA na nilagdaan noong Marso 2010, ay  ide-develop daw ang  36,041 sq.m. ng 41,041 sq.m. ng IBC-13 property sa Capitol Hills, Diliman, Quezon City bilang residential complex, habang sa kapiranggot na lote itatayo ang dalawang maliliit na gusali para sa IBC-13.

Ang IBC-13 ay sequestered property ng pamahalaan kaya ang lupain na kinatitirikan nito ay pagmamay-ari ng gobyerno at nakasaad sa prangkisa nito na hindi ito puwedeng ipaupa, ilipat, o ipagkaloob kahit kaninong kompanya, grupo o indibidwal na walang pahintulot ang Kongreso.

Ang inyong lingkod ang naghain ng reklamo sa Ombudsman kaugnay sa maanomalyang JVA at mismong ang field investigators ng anti-graft body ay natuklasan na nalugi ang gobyerno ng P254.8 milyon sa bentahan ng Broadcast City complex.

Sabi pa ng field investigators, walang bisa ang JVA dahil nilabag nito ang mga esensyal na pamantayang itinakda ng gobyerno, minadali ang pag-apruba at may mga nakatagong agenda bilang pruweba na may masamang motibo at kinikilingan ang maanomalyang kasunduan.

Hindi ito dumaan sa public auction o bidding na nakatadhana sa ilalim ng Procurement Law at hindi rin aprubado ng Asset Privatization Council (APC) ang pagbebenta ng IBC-13.

Kaya noong nakalipas na Hunyo ay pinagpaliwanag ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sina Jose Javier, dating IBC-13 Chief Executive Officer; Joselito Yabut, dating Chairman of the Board ng IBC-13; Conrado Limcaoco, Jr., dating Supervising Secretary ng IBC 13, at Nathaniel Romero, Primestate President and Managing Partner sa inihaing reklamo ni ka Percy noong Pebrero 2012 dahil sa paglabag sa Republic Act 3019  o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Falsification of Public Document o Article 171 ng Revised Penal Code.

Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin kumbinsido si Coloma na dispalinghado ang JVA  o kailangan pang may maghain ng reklamo sa Ombudsman na kukuwestiyon sa pikit-mata niyang pagsuporta rito?

Puwede kayang ipaliwanag ni Coloma ang “konteksto at perspektibo” nang pagkampi niya kay Reghis Romero, tulad nang ginagawa ninyo sa iba’t ibang isyu sa press briefing sa Palasyo habang may ‘matrona’  na namumungay ang mga matang titig na titig sa inyo?

‘STATE OF NATIONAL CALAMITY’

SA BANSA BINABALEWALA

IDINEKLARA ni Pangulong Benigno Aquino III ang state of national calamity noong nakalipas na Nobyembre 11 o tatlong araw matapos manalasa ang bagong Yolanda sa Eastern Visayas.

“This is important not just to control prices of primary products and services needed by our countrymen, but also to avoid overpricing and hoarding of important goods,” sabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Malakanyang.

Pero mukhang binabalewala ng mga gahamang negosyante ang pahayag na ito, sa Metro Manila lang ay walang habas kung itaas nila ang presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang bigas.

Sadya bang napaka-inutil ng Department of Trade and Industry (DTI) laban sa pang-aabuso ng mga hindoropot na negosyante?

Kunsabagay, bakit nga naman kikilos si Trade Secretary Gregory Domingo para sa kapakanan ng mga maliliit na tao , eh, himulma niya ang kanyang career sa paglilingkod sa mga dambuhalang kapitalista gaya ni Henry Sy bago siya pumasok sa gobyerno.

Hindi lang naman si Domingo ang ‘sumasamba’ sa malalaking negosyante sa administrasyong Aquino, nariyan si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Hermino Coloma Jr. na nagbigay katuwiran sa wala sa timing na P1.24/ kWh power rate hike na ipinatupad ng Manila Electric Company (Meralco) noong nakaraang lingo.

“Wala pong sakop ng franchise area ng Meralco ang tuwirang apektado ng kasalukuyang kalamidad at ‘yun pong mga nakaraan ding mga kalamidad sa Zamboanga at sa Bohol at Cebu na tinamaan ng lindol,” depensa ni Coloma sa power rate hike ng Meralco.

Susmaryosep, ang mga mamamayan bang hindi nakatira sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad ay walang karapatang magtamasa ng proteksiyon sa gobyerno laban sa pagsasamantala ng mga kapitalista?

Kapag ganito ang klase ng pag-iisip ng isa sa mga tagapagsalita ng Pangulo, aba’y mukhang mas epektibong tagapagtanggol ng Meralco si Coloma kaysa ng Palasyo.

Ayaw naman nating pagdudahan na kaya kinikilingan ni Coloma ang panghaharbat ng Meralco sa milyun-milyong consumer ay para ‘bumango’ ang kanyang imahe sa may-ari ng kumpanyang si Manuel V. Pangilinan na puwede niyang ‘takbuhan’ sakaling wala na si P-Noy sa puwesto, o sakali namang lumahok siya sa susunod na halalan.

Para sa reklamo, suhestiyon at  komentaryo tumawag o mag text  sa 09158227400 / Email: [email protected]

Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *