HABANG palala nang palala ang pananalasa ng nagbabagong panahon o climate change sa mga darating na taon, ipinapanukala ni COOP NATCCO party-list Rep. Anthony Bravo ang “mas maayos na alokasyon sa pondo ng gobyerno para sa sektor ng pagsasaka,” samantala si Agri-Agra Reporma Para sa Magsasakang Pilipinas (AGRI) partylist Rep. Delph Gan Lee naman ang nagsusulong sa agad na pagputol sa “maaksaya at baluktot na paggastos ng pondo ng gobyernong patuloy na inilalaan para sa importasyon ng bigas” sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA).
Sa kanyang panukalang batas na mag-aamyenda sa “Revised Charter of the Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) Act of 1995,” itinutulak ni Bravo ang mas mataas na insurance para sa mga pananim ng mga magsasaka “upang mabigyan sila ng mas mataas na danyos mula 80 hanggang 100 percent ng aktuwal na halaga ng kanilang aanihin,” pati na ang kaukulang government premium subsidy na hindi bababa sa 50 porsyento ng staple grains, gaya ng bigas at mais.
“Ang problema kasi sa PCIC ay ang patuloy na kabiguan na pangalagaan ang kaligtasan ng maliliit na magsasaka mula sa pananalasa ng kalamidad. Lagi na lang napakababa ng kanilang natatanggap na danyos kompara sa aktwal na halaga ng kanilang aanihin mula sa mga pananim na nasalanta,” paliwanag ng mambabatas.
“Nasa tamang kompensasyon nakasaIalay ang kabuhayan ng mga magsasaka at ng kani-kanilang pamilya. Ito ang kailangan nila ngayon at sa mga darating na taon sa gitna ng dumaraming banta ng nagbabagong klima at panahon.”
Ang maingat na paggastos ng pondo ng pamahalaan para sa sektor ng agrikultura ang isa sa mga layon ng panukalang batas ni Gan Lee na House Bill (HB) No. 2936. Ito ay may titulong “National Food Authority Rationalization Act of 2013.” Itinutulak din ng nasabing panukala ang pagtatapos ng monopolyo ng gobyerno sa importasyon ng bigas sa pamamagitan ng paglilimita ng mandato ng nasabing ahensya sa buffer stocking at pangangasiwa ng presyo nito sa mga pamilihan.
“Sa pamamagitan nito, babawasan natin ang magastos na subsidiya ng manipis na ngang pondo ng gobyerno na ibinubuhos natin sa pagpapatatag sa presyo ng bigas at ililipat natin sa mas produktibong pamumuhunan sa research and development, sa mga extension services para sa ating mga magsasaka at sa pagbuhos ng pera ng pamahalaan sa irigasyon,” paliwanag ni Gan Lee.
Ang mga panukalang ito ay isinumite sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Santi sa sektor ng pagsasaka na nauna nang naiulat na nasa 248,000 ektarya ng palayan ang apektado at umaabot na, base sa mga pagtaya ng gobyerno, sa P3 bilyon.
Si Bravo rin ang nagpanukalang amyendahan ang Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF) upang ilipat ang alokasyon ng sampung porsyento ng koleksyon papunta sa PCIC.
Sa ilalim ng umiiral na batas, ang kita ng ACEF mula sa mga buwis at bayaring nakokolekta ng gobyerno mula sa inangkat na produktong pang-agrikultura kasama na ang sa bigas ay napupunta sa ACEF. Ito ay inilalaan para sa irigasyon, mga farm to market roads, mga post harvest equipment at ibang kaugnay na pasilidad, sa pagpapautang, sa research and development, iba pang mga marketing infrastructure, mga datos sa pamilihan, sa mga pagsasanay, mga extension services, at iba pang uri ng ayuda para sa sektor ng pagsasaka.
Ngunit ngayon taon, ayon sa datos ng pamahalaan, ang importasyon ng bigas na isinagawa ng pribadong sektor ay naging manipis hanggang tatlong porsyento mula sa dating 76 percent noong nakaraang taon samantala ang Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng NFA, ay halos dumoble ang importasyon mula sa 120,000 metric tons (MT) noong 2012 hanngang 205,700 MT sa taon kasalukuyan.
Sa mga pag-angkat na ito, naglabas ng kabuuang P1.7 bilyon ang NFA sa pagbubuwis at iba pang bayarin sa ilalim ng “government-to-government transaction.” Ito ay bukod pa sa US$94.5 milyon o mahigit P4 bilyon ginasta ng ahensya upang umangkat ng 205,700 MT na bigas mula Vietnam noong Abril.
Ang nasabing transaksyon ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado at ng Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa umano’y overpricing na nagkakahalaga ng halos kalahating bilyong piso.
Ang pagtanggal sa mandato mula sa DA at sa NFA na umangkat ng bigas ay alinsunod sa mga patakarang inilatag ng Food Staples Self-sufficiency Program (FSSP) na ibinalangkas ng DA noong taon 2010 at ng mga polisiyang inilabas ng National Economic Development Authority (NEDA).
HATAW News Team