MARAMI ang nagdududa kung ang Commission on Elections (Comelec) ay naniniwala pa ba sa prinsipyong ang “public office is a public trust” dahil na rin sa pagpapahintulot nila na makatakbo sa halalan ang mga convicted sa krimen.
Nagagawang magbalangkas at magpatupad ng kung anu-anong patakaran ni Chairman Sixto Brillantes hinggil sa halalan, halimbawa na ang paniningil sa mga kandidato sa barangy election ng P150 sa certificate of candidacy na isusumite sa Comelec.
Pero nakalimutan ni Brillantes at ng Comelec ang mas importanteng requirement na dapat nilang ipatupad sa mga kandidato – ito ang pagsusumite ng clearance mula sa police, National Bureau of Investigation (NBI) at Office of the Ombudsman.
Malaki ang magagawa kung ang simpleng sistemang ito ay ipatutupad para mabawasan ang mga kriminal at ex-convict na kadalasan ay umaastang siga na naghahari-harian sa kanilang mga barangay pagkatapos silang maihalal.
Ang problema, mula nang maluklok itong si Brillantes sa Comelec ay nagsimulang magkaroon ng dalawang interpretasyon o “mukha” ang batas na gumagabay sa pagdiskuwalipika sa kandidato at lumalabas na mismong ang poll body ay walang kinikilalang batas sa disqualification.
Bakit ang convicted child rapist na si dating Cong. Romeo Jalosjos ay diniskuwalipika ng Comelec na kumandidato noong nakalipas na halalan, habang si ousted president at convicted plunderer Joseph Estrada ay pinayagang makatakbo bilang Manila mayoralty bet, gayong parehong batas ang pinagbasehan sa inihaing kaso laban sa dalawa?
Kaya hindi natin masisisi kung lumakas ang loob ng mga halang ang kaluluwa na pasukin ang politika dahil kakampi nila sa pambababoy sa batas ang Comelec.
Ang mga pinaggagawang kahindutan ng pangkat ni Brillantes ay natatambakan ng trabaho ang Supreme Court dahil sa idinudulog na kaso ng mga humihiling ng tamang interpretasyon sa batas tungkol sa diskuwalipikasyon.
Ang pagkaantala sa paglalabas ng desisyon ng Korte Suprema sa disqualification case laban kay Estrada bilang Manila mayoralty candidate ay lalong nagbukas ng pintuan sa mga convicted criminal na samantalahin ang pagkakataon upang labagin ang batas na nakasaad sa Section 40 ng Republic Act 7160, ang LOCAL GOVERNMENT CODE OF 1991:
“The following persons are disqualified from running for any elective local position: (a) Those sentenced by final judgment for an offense involving moral turpitude or for an offense punishable by one (1) year or more of imprisonment, within two (2) years after serving sentence.”
MAG-AMANG ESTRADA, KADIRI;
BAHAY NI ERAP, KOMPISKAHIN
MALINAW na nakasaad sa Article XI Section 1 ng 1987 Philippine Constitution,” Public office is a public trust. Public officers and employees must, at all times, be accountable to the people, serve them with utmost responsibility, integrity, loyalty, and efficiency; act with patriotism and justice, and lead modest lives.”
Kaya nakapandidiri ang papuri ni accused plunderer Sen. Jinggoy Estrada sa kanyang amang convicted plunderer na si Erap na magdadala raw sa kaunlaran sa Maynila tulad ng ginawa nito bilang alkalde sa San Juan City.
Kung talagang nagtagumpay si Erap sa pagbangon sa San Juan City, bakit ang angkan lang nila ang lumobo ang yaman habang lalong naghirap ang mga ordinaryong resident eng lungsod?
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin matapus-tapos ang kamalasang nararanasan ng mga maralitang taga-San Juan City sa kamay ng lahing Estrada na walang inatupag kundi ang palayasin sila sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan nang mararahas na demolisyon o pagsunog sa kanilang komunidad.
Bago sana maghabi ng kasinungalingan si Jinggoy ay atupagin muna niya ang kinakaharap na kasong pandarambong dahil matitibay na ebidensiya ang nakalap laban sa kanya at patutunayan pa ito ng mga testigo sa hukuman.
Kumbinsihin sana muna ni Jinggoy ang kanyang ama na ibalik sa kaban ng bayan ang mga ninakaw niya, batay sa desisyon ng Sandiganbayan na nagsasabing guilty si Erap sa kasong pandarambong ng mahigit tatlong bilyong piso sa loob ng dalawang taon at anim na buwan sa Malacanang.
Paano ba maipapaliwanag ng pamilyang Estrada ang kanilang marangyang pamumuhay gayong hindi naman sila ganito kayaman bago sila pumasok sa politika?
Ang ipinagtataka lang natin ay kung bakit hindi ipag-utos na kompiskahin ang mga bagong pundar na ari-arian ni Erap (isa na ang biniling bahay sa Maynila) kung hanggang ngayon ay ayaw pa rin niyang isauli ang mga kinulimbat niyang kayamanan na ipinababalik sa gobyerno, base na rin sa hatol sa kanya ng Sandiganbayan.
Para sa reklamo, suhestiyon at komentaryo tumawag o mag text sa 09158227400 / Email: [email protected]
Percy Lapid