MAY planong putulin ang halos 6,500 puno sa kabundukan ng Angono, Rizal para raw palawakin ang QUARRYING OPERATION ng higanteng kompanyang LAFARGE Republic Inc. Ang Lafarge ay isa sa pinakamalaking kompanya sa industriya ng construction. Ito po ang gumagawa ng sementong ginagamit sa pagtatayo ng mga bahay at gusali.
Isang malaking isyu ngayon ang planong ito hindi lamang sa mga taga-Angono kundi sa iba pang bayan sa Rizal na itinuturing na CATCHBASIN o sumasalo sa mga rumaragasang tubig ulan mula sa kabundukan. Mantakin ninyong 20 ektaryang lupain pala ang nakasasakop sa mga punong tatagpasin daw ng Lafarge.
Para sa inyong kaalaman, madalas na po ang baha sa bayang ito kung saan ako ay lumaki at nag-high school. Sa aking alma mater na Angono Private High School.
Ang masaklap, hindi lamang basta baha ang tumatama ngayon sa Angono kundi MATINDI AT MATAGALANG PAGBAHA!
Nitong Agosto lamang, dalawang linggo nalubog ang dalawang barangay doon. Mas dumarami at lumalaki ang problema kapag sabay na tumaas ang water level sa Laguna Lake. Karaniwang sinisisi rito ang pagbabaw ng Angono River dahil sa mga bato at buhanging umaagos kasabay ng tubig ulan mula sa tinatawag na CRUSHER o Kraser kung saan ginigiling ang malalaking bato. Nagsimula ang mining operation sa Angono noong 1960s sa pangunguna ng pamilyang Ortigas.
Dagdagan pa ngayon ng planong pagpuputol ng puno, pihadong mas malaking pinsala ang mararansan ng residente doon. Kung matatandaan po natin ang Cherry Hills tragedy sa Antipolo, halos kalapit lang po ng quarry site ang naturang lugar. Ilang kilometro lamang ang layo. Pareho ang komposisyon ng lupa sa Antipolo at Angono. Hindi naman kailangan ang isang ROCKET SCIENTIST para malaman ang panganib at pinsala na maaaring idulot ng plano ng Lafarge.
Ayon sa kompanya, mayroon naman silang mga safety nets para mabawi ang anomang punongkahoy na maaapektohan. Isa raw dito ang PAGLIPAT lamang ng mahuhukay na puno sa ibang lugar at ang pagtatanim ng 50 batang puno gaya ng Narra sa bawat malalaking punong matitigbak.
Sounds good. Looks right. Pero kwidaw, mga kanayon. Lumang PALUSOT na ng mining firms ang ganyang mga pangako.
Mayroon dalawang linggo raw para pag-aralan ng Provincial Environment and Natural Resources Office kung bibigyan ng GO SIGNAL ang Lafarge. Ang Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Mayor Gerry Calderon ay nagsimula na rin kumonsulta sa kanyang mga nasasakupan.
May planong magkaroon ng malawakang ONLINE PETITION ang mga residente doon sa pangunguna ni Richard Gappi na opisyal ng lokal na pamahalaan at tagapangulo ng employees’ union sa munisipyo. Bukod sa petisyon, balak rin nilang magtali ng PUTING LASO sa bawat bahay sa Angono bilang tanda ng pagtutol sa plano ng Lafarge.
Sinusuportahan po natin ang hakbanging iyan. At umaasa akong hindi papayag sina Mayor Calderon na pumutol ng kahit isang puno man lang ang kompanya.
Ang puno ay buhay. Anong silbi ng dagdag kita ng bayan kung ang mamamayan naman ay malulunod sa kumunoy ng kagahamanan?
Miapagpapalit ba sa pera ang kinabukasan ng iyong lahi?
Gising Angono!
Joel M. Sy Egco