TINGNAN nga naman ninyo ang pelikula ni Ate Vi, (Vilma Santos), magkakaroon iyon ng commercial theater exhibition sa Australia, sa Canada, at may negosasyon pa sa ibang bansa sa Asya at Europe matapos na iyon ay ma-i-dub sa wikang Ingles.
Hindi festival lang iyan. Hindi rin sa mga hotoy-hotoy na sinehan ipalalabas kundi sa mga commercial theaters. Magbabayad ang manonood niyan, hindi libre lang na kailangan pang bigyan ng pamaypay pagkatapos.
Palagay namin sa balitang iyan, nganga na ang mga nagsasabing laos na si Ate Vi kagaya ng mga idolo nila. Ang laos kasi iyong hindi maipalabas ang pelikula sa mga sinehan. Kung ganyang naipalalabas ang pelikula hanggang sa abroad, sino ang laos?
Mga artista at showbiz industry, pinakamalaking tax na kinukuhanan ng gobyerno
TALAGANG maraming mga artista rin ang nagpunta sa Million People March para alisin na iyang pork barrel. Nakita roon ang dating Miss Universe at aktres na si Gloria Diaz, Leo Martinez, Willie Revillame, Raymond Gutierrez, at Rommel Padilla. May nagsabi pang namataan din nila si Robin Padilla, kasama ang kanyang asawang siMariel. Nandoon din ang komedyanteng si Jograd dela Torre.
Bukod sa kanila, maraming iba pang mga artista na nakita rin sa Million People March, bukod pa roon sa nagpahayag ng kanilang suporta sa pamamagitan ng kanilang mga social networking accounts. Iyong actor na si Mike Tan ay nagsabi pang may taping sila pero gusto niyang sumama sa rally. Maraming mga tao sa showbusiness na gustong ibasura ang pork barrel.
Ano ang karapatan nila?
Kung pag-aaralan ninyong mabuti, higit kaysa alin mang industriya, sinasampal ng pinakamalaking tax ng gobyerno ang industriya ng pelikula. Kung susumahing lahat, 52% ng kabuuang kita ng mga pelikula ang kinukuha ng gobyerno sa pamamagitan ng tax. Iyong natitira, iyon lamang ang pinaghahatian ng mga producer at ng sinehan. Bukod diyan, kabilang ang mga artista sa nagbabayad ng pinakamalalaking taxes, at sila pa ang madalas na idemanda ng BIR basta nagkakamali sila ng kuwenta.
Roon sa panahon ng Metro Manila Film Festival na sinasabing isinasauli ng gobyerno ang tax sa loob ng 10 araw na festival para sa kapakanan ng mga maliliit na manggagawa ng industriya, hindi mo masasabing totoo iyon. Dahil kumakaltas pa riyan ang Optical Media Board, isang ahensiya sa ilalim ng tanggapan ng pangulo ng Pilipinas. Maski ang presidente ng Pilipinas pumaparte pa riyan para sa kanyang social fund, o iyong pork barrel mismo ng presidente. Bukod diyan, may ibinibigay pang “cash gifts” sa mga tauhan ng MMDA na nagtrabaho sa panahon ng festival. Ngayon hindi ba masasabing ang mga taga-showbiz industry ay may karapatang maghabol dahil sa paglulustay nila sa kanilang pork barrel? At teka muna ha, huwag lang ninyong pag-initan iyong panahon niGloria Macapagal Arroyo, dahil may data na nagsasabing ang pork barrel sa panahon ni PNoy ay doble ng pork barrel noong panahon ni Gloria.
Ed de Leon