IPINAAARESTO na ng Sandiganbayan ang dating alkalde ng Muntinlupa City na si Aldrin San Pedro ganoon din ang 11 dating empleyado ng lungsod dahil sa graft charges.
Ibinasura ng Second Division ang mosyon ng kampo ni San Pedro na ipagpaliban ang pag-aresto sa kanya lalo’t siya ay tumatakbong katunggali ni incumbent Mayor Jaime Fresnedi.
Bukod diyan, nagpalabas din ng hold departure orders (HDO) ang Sandiganbayan laban sa mga respondent upang mahadlangan ang paglabas nila ng bansa nang walang pahintulot.
Ang kaso ay kaugnay ng P22 milyong trolley bags noong 2008.
Napatunayan umano ng Ombudsman na ang nasabing proyekto ay ipinagkaloob ni San Pedro sa pribadong kompanyang CLMP Trading nang walang public bidding.
Kabilang sa akusado sina former bids and awards committee chairman Roberto Bunyi; BAC vice chairman Michael Racelis; BAC members Avelino Orellana, Rodolfo Oliquino, Vicente Navarro, Peter Salonga at Sonia Laureta; technical working group chairman Roderick Espina; at TWG members Edwin Suitado, Eduardo Bautista at Glenn Santos.
Kinompirma ng Sandiganbayan ang naunang findings ng Ombudsman na mayroong probable cause ang graft charges laban kina San Pedro at 11 empleyado.
Klarong basehan umano ‘yun para ibasura nila ang petisyon o mosyon ng kampo ng dating alkalde.
“After careful evaluation of the respondents’ separate motions, we find the contention therein not sufficient to set aside the findings of probable cause. There exists probable cause to justify the issuance of warrants for their arrest,” pahayag ng Sandiganbayan sa kanilang ruling na isinulat ni Associate Justice Napoleon Inoturan.
Malungkot ‘yan para sa kampo ng dating alkalde.
Hindi lang swak kundi malamang na mahoyo pa ang katunggali ni Mayor Jaime Fresnedi.