HINDI kataka-takang higit binibigyang pansin sa ating bansa ang pamomolitika at kulturang pang-artista, kaya may mga nagsasabing nababalewala ang mga kritikal na isyu na nakaaapekto sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.
Bilang manggagawa na nagmula sa sektor ng kultura at sining, nararapat lamang na kilalanin ang mga alagad ng sining na nagbibigay halaga rito.
Pero sa totoo lang, marami sa mga alagad ng sining ay napapabilang sa maliliit na sector ng ating lipunan at nabubuhay na mahirap. Bitbit nila ang mga pamato na hindi sila maayos na nakikilala at napapabayaan ng mga politiko at opisyales ng gobyerno.
Pero hindi ito mangyayari kay Atty. Lorna P. Kapunan, isang matibay na nakikipaglaban para sa karapatan at pagkakapantay-pantay. Subok si Kapunan sa pakikipaglaban na nakikita natin sa kanyang mga kliyente mula sa iba’t ibang uri ng pamumuhay, mula sa karaniwang tao hanggang sa mga celebrity, gayundin sa mahabang panahon niyang karanasan bilang isang abogada. Isa si Kapunan sa humimok sa mga awtoridad para makamit ang katarungan sa ngalan ng batas.
Hindi lamang siya nakipaglaban para sa mga kababaihang nasa maliit na sektor at mga manggagawang nabibiktima ng hindi patas na gawaing panghanapbuhay. Nasubukan na ito noong 2009 nang hilingin niya kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na baguhin ang listahan ng mga gagawaran ng pambansang pagkilala para sa mga alagad ng sining o national artist awardees.
Bilang trustee ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ng panahong iyon, binatikos niya si presidential adviser on cultural affairs Cecile Guidote-Alvarez hinggil sa sinasabi nito na may batas na nagpapahintulot sa isang Pangulo na kilalanin ang mga awardee na hindi nakapaloob sa naunang inirekomenda ng CCP at ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ang dalawang ahensiya ng pamahalaan na may responsibilidad sa pagpili ng mga nasabing pararangalan.
Ipinagtanggol ng administrasyong Arroyo ang kanilang posisyon at ginamit ang karapatan ng Honors Committee na magsuhestiyon pa ng mga kandidato para sa deliberasyon ng Pangulo. Kinontra ito ni Kapunan sa pamamagitan ng paglilinaw kung paano tinangkang amyendahan ng E.O. 435 ang E.O. 236 na naunang inisyu noon pa mang 2005 na ipagkakaloob ng Pangulo ang karangalan ng pambansang alagad ng sining base sa mahigpit na rekomendasyon ng CCP at NCCA.
Ipinamalas ng mga nagawa ni Kapunan sa CCP ang kanyang matibay na pakikibaka lalo na para sa pagtatanggol sa karapatan ng mga alagad ng sining.
Sa taong ito, kabilang sa mga ipinaglalaban niya ang mga maliliit at naaping mga sektor, kasama na rito ang mga alagad ng sining na maaaring ituring na manggagawa para sa kultura na nagpapatuloy sa paghimok at pagtuturo sa atin tungo sa pagpapayaman ng ating pinagmulan at kultura.
Layunin din ni Atty. Kapunan na ipaglaban ang katarungan at pagkakapantay-pantay upang mapaunlad ang kondisyon ng paghahanapbuhay ng bawat Filipinong alagad ng sining, gayundin ang natatamong pagbibigay ng kapangyarihan at pagkilala sa kanilang kahalagahan tungo sa pagpapatibay at pagpapaunlad ng ating bayan.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio