KUNG mayroon dapat iluklok sa Senado, wala nang iba kundi sina Atty. Lorna Kapunan at Susa “toots” Ople.
Si Atty. Kapunan, hindi lang matapang, matalino, at lohikal, may common sense pa kung paano ipaglalaban ang katarungan.
Hindi drawing at halumigmig ng mabubulaklak na pananalita ang kanyang plataporma, dahil makikitang klaro ang kanyang bisyon para sa sambayanang Filipino.
Naninindigan si Atty. Lorna P. Kapunan na napapanahon nang makamit ng sambayanang Filipino ang katarungan lalo na para sa maliliit nating kababayan na madalas maging biktima ng maling pagkiling ng hustisya.
“Sa pagkamit ng tunay na katarungan, hindi maaaring nakasilip ang isang mata at nagkukuwanring patas ang tingin sa magkakaibang estado ng pamumuhay – mahirap man o mayaman. Dapat pantay-pantay ang paghahatol ng katarungan. Ito ang ating layunin. Simulan natin ang “laban para sa katarungan,” sabi ni Kapunan.
Kabilang sa katarungan na ‘yan ang makamit ng bawat Filipino ang karapatan sa edukasyon, tirahan, disenteng trabaho na may maayos na sahod, kumain ng tatlong beses sa isang araw, hustisya, ligtas na komunidad at pangalagaan ang kalikasan.
Kung tutuusin aniya, nasa Saligang Batas na ‘yan, kailangan na lang ipatupad.
Para kay Atty. Kapunan, katarungan din para sa pamilyang Pinoy ang pananatili ng ama sa piling ng pamilya at hindi na kailangan lumabas ng bansa para magkaroon ng trabaho.
“Hindi biro ang malayo ang isang magulang sa kanyang pamilya lalo na ang mga batang lumalaki na wala sa kanilang tabi ang kanilang tatay o nanay. Mahirap mabuhay sa ganitong kalagayan, isa itong kawalang katarungan,” paliwanag ni Kapunan.
Masosolusyonan lamang aniya ito kung makalilikha ang ating gobyerno ng mga hanapbuhay na maghihikayat sa ating overseas Filipino workers (OFWs) na umuwi na sa bansa at dito na lamang magtrabaho upang makapiling ang kanilang mga anak at kabiyak sa puso.
Sa layuning ‘yan ni Atty. Kapunan, malinaw na ang makakatulong niya ay Toots Ople.
Si Toots Ople ay anak ni Ka Blas Ople, ang kampeon ng OFWs.
Silang dalawa, si Atty. Kapunan at Toots Ople ang kailangang mailuklok sa Senado dahil alam nating sila ay magtatrabaho.
Kapunan, Ople sa Senado!