‘YAN po ang slogan ni Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) chief operating officer (COO) Mark Lapid sa kanyang kampanya na tumatakbong senador ngayon.
In short, papalit po sa kanyang erpat na si Lito Lapid na ilang panahong nagbutas daw ng silya sa Senado.
Pasensiya na, pero ‘yan po ang hindi kayang mapaniwalaan ng inyong lingkod dahil ilang taon nanungkulang bilang general manager sa Philippine Tourism Authority (PTA) hanggang maging COO ng TIEZA si Mark Lapid pero wala tayong narinig na makabuluhang ambag niya sa turismo.
Sino ba ang mga nabigyan ninyo ng trabaho TIEZA COO Mark Lapid? Ilan ba sila?
E mukhang from nowhere ikaw lang yata ang biglang nagkatrabaho at biglang kumita nang malaki diyan sa PTA lalo na noong maging TIEZA ‘yan?
Hindi nga nakapag-uulat ang TIEZA kung ano-ano nang beach sa buong bansa ang sinakop na ng mga ‘beach grabber’ diyan sa Boracay, Bicol (Cagbalite); Real, Quezon; sa Zambales lalo sa bayan ng San Felipe, Anawangin, Botolan at iba pa.
Huwag na tayong lumayo, sa Puerto Galera at Boracay, paano nagkaroon ng mga resort diyan na ang nagmamay-ari ay mga dayuhan?!
Sino ang promotor ng malalaking sunog sa Boracay?!
Nagawa ba ng TIEZA ang trabaho nila para matukoy kung bakit unti-unti ay nawala at nasalalula ang pristine beaches sa bansa?!
‘E baka kapag naging senador ‘yan, gawin pa niyang legal ang pagbebenta ng mga beach sa buong bansa hanggang mawalan na ng pangingisdaan ang mga mangingisda?
Kaya mga suki, mag-isip-isip po kayo bago bumoto ng inyong Senador, ‘yun lang ho!