Monday , December 23 2024

Saling-cat si Chiz

NAIWAN lang sa ere si Senator Francis “Chiz” Escudero sa GoNegosyo VP forum na ginanap nitong Lunes ng hapon sa Manila Polo Club sa Makati.

Noong una ay gusto sanang umabante ni Chiz nang bakbakan niya ang mga Aquino at Marcos sa selebrasyon ng EDSA.

Pero sa huli ay hindi na siya nakapagsalita dahil sa umaapoy at tila emosyonal na pagbakbak ni congresswoman Leni Robredo kay Senator Bongbong Marcos.

Sa mga nakaraang araw kapag nakikita nating nagsasalita si congresswoman, napakahinahon niya, pero nagulat tayo sa GoNegosyo VP forum dahil tila humulagpos ang pagiging emosyonal ng babaeng vice presidential bet.

Hindi natin alam kung dahil ba sa nerbiyos sa hapong iyon kung kaya hindi nakontrol ang kanyang emosyon o dahil conscious siya na nasa harap sila ng telebisyon at kailangan niyang humamig ng simpatiya.

Kung nawala sa ere si Chiz, hindi naman nasira ang composure ni Sen. Bongbong at magalang na sinagot ang ma-emosyong paninisi Rep. Leni sa tatay ng batang Marcos.

 Ani Sen. Bongbong, “Of course, I respect the opinion of the congresswoman but I would just like to point out that the PCGG (Presidential Commission on Good Government) has been in existence for 30 years with precisely that mandate.

“And all of these cases are in court and whatever the court decides, we, as should everybody else, (should) obey the court orders,” dagdag ni Sen. Bongbong.

Wala namang nakagugulat sa reaksiyon ni Senator Bongbong, ganoon naman siya lagi. Hindi siya puwedeng mahawa sa emosyon ng ibang tao lalo na’t kung ang layunin ng pagpapakita ng emosyon ay makahamig lang ng simpatiya.

Katunayan ang ipinakitang emosyon ni congresswoman ay hindi natin nakita nang mamatay ang kanyang asawang si dating DILG Secretary Jesse Robredo.

Kaya nakagugulat talaga ang bugso ng damdaming ipinakita ng babaeng kandidato sa publiko sa GoNegosyo.

Pero nang matapos ang GoNegosyo napatanong na lang ang inyong lingkod, saan napunta si Chiz?!

Nawala si Chiz nang hindi namamalayan ng mga nanonood?!

Maya-maya  ay napansin ko na lang na ngumingiyaw ang pusa sa aking paanan.

Artista si Menorca?!

Ibang klase rin talaga ang acting nitong kampo ni dating INC minister Lowell Menorca II.

Gagawa talaga ng istorya o senaryo para mapansin at pag-usapan lang ulit ng media, pero hindi naman kapani-paniwala. Malabong makalusot sa mga writer at producer ng teleserye ang bagong hirit ng itiniwalag na ministro ng INC.

Kumbaga, hindi pa sumisikat ay laos na agad ang pag-arte niya.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng abogado ni Menorca sa Court of Appeals na nawawala o “missing” daw ang kliyente niya, pero hindi naman pala totoo.

Napaamin ang abogado na nagpaalam daw pala sa kanya mismo si Menorca dahil biglaang aalis papuntang Vietnam kasama ang asawa at anak.

Paano naging “missing” ang taong nagsabing aalis siya at tinukoy pa kung saan pupunta!?

May mga bagong banta daw ulit sa buhay nila. Kung galing saan, kanino at paano, hindi naman nila masabi. Basta meron daw banta?!

Dapat pa bang paniwalaan ang mga sinasabi ni Menorca? Kaliwa’t kanang asunto ng umano’y pagbabanta ang isinampa nila sa DOJ noong isang taon. Lahat ay ibinasura ng gobyerno dahil hindi totoo at walang basehan.

Lunes, March 7 ang araw ng bagong pagdinig sa CA na papatunayan dapat ni Menorca ang mga paratang niyang pagdukot at panggigipit laban sa INC.

Pero gabi ng Linggo, pasimpleng sumalikwat at tumakas ang dating ministro. Pangatlong beses na niyang hindi sinipot and sarili niyang CA hearing.

Hindi ba’t siya ang nagsampa ng kaso sa CA, bakit siya itong ayaw humarap at magpakita!?

Malamang, ‘diversionary tactic’ at paawa epek na naman ito ni Menorca at ng kanyang kampo. Maglalabas na naman kuno ng ‘banta’ para makakuha ng simpatiya.

Tatlong kasong libelo at isang reklamo ng adultery o pambababae ang kasalukuyang hinaharap ni Menorca.

Ito ang mga kailangan niyang harapin at huwag takasan!

Sa March 20 daw ulit ang balik ni Menorca sa Filipinas. Hintayin na lang natin kung anong drama na naman ang kanyang gagawin.

Dapat kay Menorca, huwag nang magdrama na mukha namang comedy. Magsabi na lang siya nang totoo sa korte at hindi sa media.

Nakasasawa at nakaiinis na ang acting niyang panis!

Bumper-to-bumper na traffic sa Marcos Highway wala bang solusyon?!

KAMAKALAWA maraming motorista at commuters ang tila sumabog na ang pagtitimpi dahil sa araw-araw na kalbaryong kanilang nararanasan kapag nariyan na sila sa Marcos Highway lalo sa area ng Masinag sa  Antipolo City.

Pero kahapon ang kamakalawa ang pinakamatindi, dahil mayroong nangyaring aksidente.

Sumaklolo naman daw ang mga kagawad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) pero imbes lumuwag ang trapiko ‘e lalong nagkaletse-letse.

Higit sa dalawang oras na walang galawan ang mga sasakyan.

Tsk tsk tsk…

Mantakin ninyo ang perhuwisyong ‘yan! Matengga ang motorista at commuters sa kalsada nang halos dalawang oras?!

Sonabagan!!!

Isang aksidente pero sinira ang buong araw ng mga bumibiyahe patungong Marikina, Antipolo at iba pang probinsiya sa Rizal at ‘yun mga papuntang Quezon city.

‘Yan po kasing Marcos Highway ay bungad patungo at palabas sa Rizal province gayon din patungong Pasig at Cainta kaya mantakin ninyo kung gaano kalaki ang naapektohan ng lintek na traffic na ‘yan?!

Paging MMDA!

Aba kung magpapadala naman kayo ng tao sa nagkakabuhol-buhol na trapiko ‘e ‘yung maaasahan naman.

Hindi ‘yung mababanas ka sa tagal resolbahin ng traffic jam. Matagal nang inirereklamo ang traffic sa area na ‘yan, ipakita n’yo naman na nagtatrabaho kayo!

VIP room ng Dynasty Club sa Roxas Blvd., gamit sa kangkangan hindi sa kantahan!

Ibang klase pala ‘yang Dynasty Club sa Roxas Boulevard.

Kung hindi tayo nagkakamali, ang VIP rooms sa mga KTV/Clubs ay ginagamit para kung gustong magkantahan ng mga guest, kasi nga may videoke doon.

Pero riyan sa Dynasty Club, hindi kantahan kundi kangkangan ang silbi ng VIP rooms.

Aba, e ano palang ginagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) at CIDG anti-human trafficking?!

Paging PNP at NBI, pakipasyalan lang ‘yang Dynasty Club sa Roxas Blvd., at baka maunahan pa kayo ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT)!

Aksiyon!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *