Saturday , November 23 2024

Chiz natataranta na kay Bongbong

00 Bulabugin jerry yap jsyNOON kapag nakikita ng inyong lingkod na nakaupo si Chiz at naka-dekwatro, kahit sa telebisyon o sa diyaryo, nasasalamin natin ang katiwasayan sa kanyang sarili  at malakas na tiwala sa sarili.

‘Yung malakas na tiwala sa sarili na pinagkukunan ng kanyang napakahaba at ala-Mr. Bean na ngisi na umaabot hanggang sa dulo ng tenga.

At kinang ng mata, na – ala-Mr. bean pa rin, na parang laging may naiisip na kalokohan at panggo-goodtime sa kapwa.

Lalo na noong sumisirit ang rating niya sa survey.

Tuwing sumasagi sa isip natin si Senator Chiz, ‘yun ang makintal sa memorya, ‘yung ngising abot tenga at ‘yung ‘malokong’ kinang ng mata.

‘Yan din ‘yung ‘mataas na tiwala sa sarili’ na nakita natin kay Chiz sa gitna ng mga insidente ng pagputok ng Mt. Bulusan, nang magbuga ng lason ang Lafayette Mining sa Rapu Rapu, nang bayuhin ng bagyong Nona kamakailan ang Sorsogon…

At hindi nagbabago ang ‘self-esteem’ na ‘yan ni Chiz, kahit tumataas ang bilang ng mga nalululong sa droga sa probinsiyang kanyang pinagmulan at ang pinakamataas na insidente ng krimen ay panggagahasa ayon mismo sa PNP.

‘Yan ‘yung mayabang na dekwatro Chiz, na parang sinasabing, “relax see a movie” kahit malala ang kahirapan sa Sorsogon at marami ang nagugutom.

Pero kamakailan, hindi na natin nakikita ang ganitong mga porma at asta ni Chiz.

Wala nang dekwatro, wala na ang kinang dahil mulagat na ang mata at ang ngising abot tenga ay napalitan ng sarado at tila walang katiyakang buka ng bibig na kung minsan ay nangangatal at nauutal-utal.

Anyareee?!

Nataranta na ba si Chiz kay Bongbong?

Noong una, ang sabi niya, wala siyang pera at makinarya.

Pero nakita naman ninyo, sunod-sunod na ang political ads niya sa radio, diyaryo at telebisyon.

Wala pa siyang pera at makinarya niyan ha?!

Bukod pa ‘yan sa nagkalat na tarpaulin at poster sa NCR.

‘Yan ba ang walang pera at makinarya?

Senador pa lang daw ang naaabot ni Chiz…

Kaya naman pala gustong tumakbong bise presidente, ‘naliliitan’ sa pagiging senador.

Hindi ba alam ni Chiz o hindi ba niya nararamdaman kung gaano ka-influential ang isang senador?!

Magkano ba ng pork barrel ninyo Sen. Chiz?

Magkakaroon ka ba ng mayayamang kaibigan kung hindi ka influential?!

At hindi lang basta mayayaman, sila ‘yung people in Forbes magazine. The likes of Hans Sy, ang anak ni Henry Sy ng SM group of companies. Si Ramon Ang, presidente at CEO ng San Miguel Corporation. Fernando Zobel ng Ayala Corporation. Andrew Tan ng Megaworld Corporation. Lance Gokongwei ng Robinson’s Corporation, Cebu pacific at JG Summit. Property developer na si Gerry Acuzar ng New San Jose Builders, kilalang bilas ni Executive Secretary Paquito Ochoa. At si Bobby Ongpin ng Alphaland Property at may-ari ng Balesin Island resort, na pinagdausan ng kanyang kasal.

Ang mga bigtime sa politika na si Isabela Governor Faustino Dy Jr., ang punong lungsod ng Tuna Capital of the Philippines na si General Santos City Mayor Adelbert Antonio at siyempre ang Sorsogon Mayor na si Esther Hamor.

Hindi ba’t sila ang mga sponsor sa kasal nila ng kanyang misis na aktres?!

Nong-ni at ninang, at malamang campaign contributor din para sa eleksiyon.

Sa isang interview sa kanyang sortie sa Tacloban kung hindi ba siya natatakot kay Bongbong,  ganito ang sinabi ni Chiz, “Sinong nagsabi sa ‘yo na hindi ako threatened mula’t mula? Sa kanya man o ibang kumakandidato bilang ikalawang pangulo? Kompara sa kanila, mas marami naman silang pera (kesa) sa akin. Kompara sa kanila, mas may partido at makinarya sila. Hindi tulad namin ni Sen. Grace (Poe).”

Uulitin lang natin, bakit sandamakmak ngayon ang pol ads sa radio, diyaryo at telebisyon ni Sen. Chiz bukod pa sa mga nagkalat na tarpaulin?!

‘Yan ba ang walang pera?!     

“Ang pinanghahawakan ko lang palagi isang bagay, kasabihan — Ang pera may tao, pero ang tao walang pera. Buti na lang, tao naka(ka)boboto at hindi ang pera,” dagdag ni Chiz.

May tama ka riyan Sen. Chiz!

At lutang na lutang ‘yan sa kampanya ninyo!

SM-Basijoda nanakot ng miyembro

BILANG isang organisasyon, ang SM Fairview Bagong Silang Jeepney Operators and Drivers Association (SM BASIJODA) ay dapat na nagbibigay ng proteksiyon sa kanilang miyembro pero kakaiba po ang nakarating sa ating reklamo.

Maraming miyembro ang hindi makapalag sa palakad umano ng nasabing organisasyon ng transportasyon.

Nais kasing ipa-audit ng mga miyembro ang pondo ng samahan pero imbes gawin ay tinatakot pa umano ng presidente ang mga miyembro.

Natuklasan kasi ng mga miyembro na hindi nagsa-submit ng financial statement sa SEC ang nasabing transport group.

Non profit umano ang kategorya ng transport group sa SEC pero hindi sila nagko-comply sa rekesitos ng SEC gaya ng yearly financial statement.

Sa loob umano ng isang buwan ay daang libo ang koleksiyon ng nasabing transport group mula sa mga miyembro.

Bawat bagong miyembro ay hinihingian ng P20 libo pero walang resibo.

Kahit umano suspendido ang jeep, inoobliga pa rin nilang magbigay ng butaw ang driver kahit hindi naman gumamit ng terminal.

Tinatawagan natin ang presidente ng samahan  na isang Richard Ramos. Dati umano ay nangungupahan lang pero ngayon ay mayroon nang bagong-bagong jeepney.

Ayon pa sa mga miyembro, maraming violations sa By Laws ang kanilang presidente pero deadma lang sa halip sila pang mga miyembro ang ginigipit.

Ano ba ‘yan?!

Sa mga miyembro, umpisahan na po ninyong mag-ipon ng mga datos at ireklamo ninyo sa SEC ang inyong presidente. Puwede rin po ninyong ireklamo sa BIR dahil hindi gumagamit ng opisyal na resibo.

Kahit po non profit ang rehistro sa SEC, kailangan po ng bawat organisasyon na magpagawa ng resibo.

Lalo na po kapag nalaman ng BIR na mayroon pala kayong malaking koleksiyon.

Paging Mr. Richard Ramos, magpaliwanag kayo!

Talamak na droga sa Romblon

BOSS JERRY, ako ay taga-Sibuyan, Romblon. Talamak po ang droga ngayon dito pero walang ginagawa ang mga kinauukulan. Nagsulputang parang kabute ngayon ang mga politiko dito sa amin at maraming pangako. Kabilang po sa talamak ang droga sa San Fernando. Ang droga ay galing sa Brgy. Taclobo.

Sana po ay maaksiyonan agad ito. Salamat po. (Pakitago po ang number number ko).

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *