KINOMPIRMA ng board governor ng Purefoods Star na si Rene Pardo na babalik si Denzel Bowles bilang import ng Hotshots para sa PBA Commissioner’s Cup na magsisimula na sa Pebrero 10.
Darating si Bowles sa susunod na linggo.
“Yes, confirmed na si Denzel na maglalaro sa amin,” wika ni Pardo. “Nag-request lang ng konting extension dahil nagkasakit yung nanay niya. He’s in Virginia right now. But by mid next week, nandito na siya,” he added.
Ito ang ika-apat na taon na lalaro para sa Star si Bowles na nagdala sa Hotshots sa titulo noong 2012 at kagagaling lang siya sa isang liga sa Venezuela.
Samantala, naniniwala si Blackwater Sports head coach Leo Isaac na malaki ang maitutulong ni Malcolm Rhett bilang import ng Elite sa PBA Commissioner’s Cup.
Nag-ensayo na si Rhett sa Blackwater noong Lunes at natuwa si Isaac sa ipinakita ng dating manlalaro ng Tennessee State.
“Athletic si MJ at batang bata. After playing for Ole Miss, naglaro siya sa Latvia to gain experience,”wika ni Isaac. “Gustong gusto niya magpakita. Kasi pakiramdam ko, kahit di naman niya sinasabi, feeling niya na-overlook siya sa 2015 NBA Draft. So kung maganda mape-perform niya dito, mas mapapansin siya ng mga scouts dito dahil alam niya may scouts ding nanonood ng PBA.”
Umaasa rin si Isaac na kung magiging maganda ang laro ni Rhett, hindi mahihirapan ang Elite na muling makapasok sa quarterfinals sa Commissioner’s Cup kahit iba ang format kung saan ang apat na koponang mangungulelat ay maagang magbabakasyon. ( James Ty III )