Kung ang ibang kanta’y kailangan pang bayaran ma-download at mapakinggan, kay Gloc-9 ay hindi na. Ito kasi ang paraan ni Gloc-9 para pasalamatan ang mga taong walang sawang nakikinig sa kanyang awitin.
Kaya internet connection lang ang katapat at puwede nang marinig ang bago niyang kanta.
“Ito ang kantang hindi mo na kailangan ng pera para mapakinggan,” giit ni Gloc-9.
Tila nagdurugo raw kasi ang puso ni Gloc-9 kapag nakikita niya ang mga simpleng tao na nag-iipon para lang makabili ng kanyang album o ‘yung nagtitiyagang pumila para lamang makakuha ng libreng autograph niya.
Hindi pala ito ang unang beses na nag-release ng rap icon ng independent song. Last year, ini-release niya ang Payag, isang pagtatangkang mas maintindihan kung bakit iisang klaseng politika ang laging kinakaharap ng mga Filipino kahit na ito ring politikang ito ang dahilan ng kanilang kahirapan.
Walang binabanggit na pangalan sa Payag ngunit patungkol ito sa klase ng politikong matamis ang pananalita at magaling mangako.
Ang mensahe ng awiting Pareho Tayo ay iba sa Payag na bamaga’t nakatuntong pa rin sa katotohanan ng naghihirap na lipunan, mayroon itong nakikitang pagbabago.
Sa Pareho Tayo, binubuo ang isang lugar at panahon na ang mga karapatang mag-aral at magpa-ospital ay hindi na pribilehiyo, walang deskriminasyon base sa kulay ng balat, sa pagkain sa ating lamesa, sa ating kinabibilangang uri ng lipunan.
Nakaaantig ang mensahe ng awiting ito kaya naman hindi kataka-takang nagkaroon agad ito ng 8,000 hits at 600 downloads sa isa’t kalahating araw lamang matapos i-post ni Gloc-9 ang awiting Pareho Tayo. Hindi ito biro paa sa isang bansang mabagal at mahal ang internet.
Nagpapasalamat si Gloc-0 sa kanyang mga tagahanga at umaasa sa patuloy na suporta sa kanyang mga proyekto ngayong 2016.
Ang Pareho Tayo ay maaaring mapakinggan at mai-download sahttps://soundcloud.com/glocdash9/pareho-tayo.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio