DAHIL umano sa pagkabangkarote ng pondo ng samahan ng Manila Finest Brotherhood ng Manila Police District ay pinabubuwag na ito ng Philippine National Police.
Inatasan na ni PNP Chief D/G Ricardo Marquez ang tanggapan ng Criminal Investigation & Detection Group (PNP-CIDG) na imbestigahan ang mga opisyal ng Samahan ng Manila Finest Brotherhood hingil sa reklamo ng mga member ng MPD sa umano’y pagkalustay ng kanilang pondo.
At sa oras na mapatunayan na nilustay ng ilang opisyal ng nasabing samahan ng mga pulis ng MPD ay ipaghaharap sila ng sakdal sa tanggapan ng Ombusdman at ipabubuwag na rin ang naturang samahan upang hindi na muling makapanloko.
Pinaboran ni Gen. Ricardo Marquez ang reklamo ng mga member ng Brotherhood ng MPD dahil ang ibinabawas na member’s fee ay mula sa sahod ng mga pulis.
Hindi papayag si Chief PNP na basta na lang malustay ang pondo ng samahan hangga’t siya ang namumuno sa pambansang pulisya.