Kinilala ang mag-lolang Ningning (Jana Agoncillo) at Mamay Pacing (Sylvia Sanchez) ng top-rating ABS-CBN tanghali serye na “Ningning” dahil sa kanilang angking galing sa pag-arte ng magkaibang award-giving bodies.
Hinirang si Jana na Best Child Actress sa 2015 Philippine Edition Network’s 4th Reader’s Choice Television, isang annual online entertainment voting awards ng blog site na Philippine Edition Network.
Pinabilib din ng batikang aktres na si Sylvia Sanchez ang Filipino-American community sa pagkilala sa kanya bilang Most Outstanding Filipino Performer in Film and TV ng Gawad Amerika Awards sa Hollywood, California para sa kanyang pagganap sa “The Trial” at “Be Careful With My Heart.” Mas siksik din sa good vibes tuwing umaga dahil sa hatid na saya ng “Ningning.” Ngayong linggo, magkakasakit si Ningning matapos alagaan ang kanyang tatay Dondon (Ketchup Eusebio). Todo naman ang pagbabantay ni Dondon kay Ningning kaya napabayaan ang negosyong daing.
Samantala, babalik na ng Manila si Mamay Pacing galing sa isla Baybay at makikiusap kay Dondon na huwag munang sabihin kay Kris (Rommel Padilla) at Ningning na babalik na siya. Paano kaya makababawi si Dondon sa kanyang negosyo? Ano ang magiging reaksyon nina Kris at Ningning sa pag-uwi ni Mamay?
Abangan sa “Ningning,” Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Kapamilya Blockbusters. Ang “Ningning” ay kwento na umiikot sa kabutihan ng mga tao sa araw-araw. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang opisyal na Facebook page ng Ningning (Facebook.com/Ningning).
VONGGANG CHIKA! – Peter Ledesma