Sobrang successful ang idinaos na premiere night ng Wang Fam, ng Viva Films last Tuesday sa SM Megamall Cinema na dinaluhan ng buong cast sa pangunguna nina Pokwang at Benjie Paras, Yassi Pressman at kalabtim na si Andre Paras, Alonzo Muhlach, Candy Pangilinan ganoon na rin ang kaibigan ng YanDre loveteam na sina James Reid at Nadine Lustre na kanilang nakasama noon sa Diary ng Panget at itong si Yassi na naging part naman ng Talk Back In You’re Dead na produced rin ng Viva. Sa ‘di sinasadyang pagkakataon ay naantala raw ang pagsisimula ng nasabing red carpet premiere ng pinakamalaking horror-comedy film ngayong taon ng undisputed box office director na si Wenn V. Deramas dahil late na nakarating ng venue si Nadine sa matinding traffic, na dulot ng isinasawang APEC sa ating bansa.
May nakapansin na medyo cold raw si James kay Nadine noong gabing ‘yon dahil maaga pa sa sinehan ang actor at isa pa sa nakadagdag ng pagkawala daw ng mood ay ‘yung suot ni Nadine na sexy fit dress, ng dalaga.
Parang hindi raw ‘ata feel ng binata na daring ang outfit ng kanyang nasabing kalabtim. Ang maganda ay naayos naman daw ang tantrums ni James, siguro nilambing siya ni Nadine kaya nawala agad ang tampo niya.
Samantala masayang-masayang ang lahat ng mga artista ng Wang Fam at Team Viva dahil pinipilahan ang kanilang pelikula. May mga sinehan raw na dahil sa lakas ng pelikula at walang bakante sa orchestra at balcony section ay nakontento na lang na maupo sa sahig.
Kaya nagkatotoo nga ‘yung vibes ni Direk Wenn, na tatangkilikin ng moviegoers ang Wang Fam dahil talagang patatawanin ka nito mula umpisa hanggang ending. Dahil sa matagal nang hindi sumasabak sa pagpapatawa ay may mga bago raw atake na ipinakita sa comedy si Pokie rito at marami raw talaga ang naaliw sa mga eksena nila ni Benjie na gumaganap na mister niya na kapwa niya Aswang.
Kung kilig ang hatid nina Yassi at Andre na nagka-inlaban kahit hindi na mortal na tao ang una at aswang naman ang huli ay hindi ito naging sagabal para hindi sila magkatuluyan sa isa’t isa.
Ayaw rin paawat ni Candy Pangilinan sa kanyang mga funny scene nila ng Wang Fam family kasama sina Joey Paras at Dyosa Pockho at sumabay talaga siya sa husay sa komedya ni Pokie. Siyempre agaw-eksena rin ang bibong si Alonzo Muhlach, na pagdating sa pag-arte mapadrama man o comedy kahit bata pa ay mahusay na. May karapatan talaga si Alonzo na sumunod sa yapak ng kanyang daddy na si Niño bilang bagong child wonder.
Palabas ang Wang Fam sa over 1OO Theaters nationwide.
A big big congrats gyud!
VONGGANG CHIKA! – Peter Ledesma