“MOTHER of fund raising na yata ako,” sambit sa amin ni Angeli Pangilinan-Valenciano sa benefit concert na isinagawa nila, ang #SetList, para makatulong sa pagpapagamot ni Rogie Manglinas, 19, pambatong football player ng UP Diliman Team.
Ka-teammate ng pamangkin ni Angeli si Rogie kaya nalaman niya ang kalagayan ni Rogie. Nakaka-touch nga ang benefit concert ng Manila Genesis talent na pinangunahan nina Katrina “Suklay Diva” Velarde, Monique Lualhati, at RJ dela Fuente.
Na-diagnose ang midfielder na si Manglinas na nagmula sa Del Carmen, Uson, Masbate na may Rhabdomyosarcoma o cancer of the skeletal muscles. May namuong bukol na malapit sa kanyang utak na siyang dahilan ng kanyang cancer. Unti-unti nang nabubulag ang binata dahil sa sakit na kasakuluyang ginagamot sa PGH. At dahil kapos sa buhay, problemado ang pamilya ni Rogie kung paano matutustusan ang gamutan, lalo na ang chemotherapy.
Ayon sa binata, nang malaman niyang mayroon siyang cancer parang bumagsak sa kanya ang mundo. Hindi niya kasi inakalang sa murang edad ay magkakaroon siya ng ganoong uri ng sakit. Pero positibo pa rin ang star player ng UP Diliman Football Team na malalampasan niya ang pagsubok na ito sa kanyang buhay.
Ang fundraising event na #Setlist ay ginanap sa Music Hall, Metrowalk, Ortigas na bagamat naging madamdamin ang panimula ng show ay naging masaya naman ito dahil napakaganda ng show. Sulit ang ibinayad ng mga nanood na nakapag-enjoy na sa magagandang musikang kinanta ng tatlo, nakatulong pa sila.
Sina Katrina, Monique, at RJ ay produkto ng reality talent search ng ABS-CBN. Si Katrina ay nakilala dahil sa kanyang viral video sa internet na bumibirit gamit ang violet na suklay at naging finalist ng X Factor Philippines under coach Gary Valenciano. Si Monique naman ay naging bahagi ng Team Sarah (Geronimo) ng The Voice. At si RJ ay sumali rin sa The Voice sa ilalim ng Team Lea (Salonga).
Sinabi pa ni Angeli na nais nilang makatulong kay Rogie kaya binuo nila ang benefit concert at nagdarasal sila na sana’y marami pang tumulong sa binata.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio