No permit, no rally sa APEC Summit
Rose Novenario
November 5, 2015
News
NO permit, no rally policy pa rin ang ipatutupad na patakaran ng administrasyong Aquino para sa mga militanteng grupong nais maglunsad ng kilos-protesta kasabay nang pagdaraos sa bansa ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Nobyembre 17-20.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, walang pipigilang grupo na magsasagawa nang malayang pamamahayag.
Ang kailangan lang aniya ay kumuha ang ano mang grupo ng permit mula sa lokal na pamahalaan na pagdarausan ng kanilang rally.
Kabilang sa inaasahang nagplaplanong magsagawa nang pagkilos ang grupo ng Lumad mula sa Mindanao at mga militanteng grupo na kontra sa globalization at free trade policies.
“I took a look at the issues that they were raising and a lot of them are ideological in the sense na ayaw nila ng free trade, ayaw nilang buksan ‘yung bansa, ganoon ‘yung issues. So ‘pag sinabi kong pareho, in ’96, they were against the very existence of APEC. So ngayon ganoon pa rin, ayaw pa rin nila ng free trade, ayaw pa rin nila na buksan ‘yung bansa doon sa pagpasok ng ibang services, ng ibang produkto, in the same way that we are allowed mobility under some of the agreements, the FTAs or the free trade agreements that we’ve had,” aniya.
Families ‘di itatago ng DSWD — Palasyo (Sa APEC Summit homeless)
HINDI na hahakutin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang “homeless families” o mga palaboy sa kalsada para mag-excursion upang hindi makita ng mga delegado Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Nobyembre 17-20.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, wala dapat sa lansangan ang nasabing mga pamilya kaya trabaho ng DSWD na bigyan sila ng ayuda. Kahit wala aniyang international event na ang Filipinas ang host ay mayroong programa ang DSWD para sa mga batang lansangan, mga pulubi at mga palaboy.
Kahit nakaalis na aniya si Pope Francis noong Enero ay may ipinatutupad pa rin ng DSWD ang programa sa mga batang lansangan at pulubi na nakakalat sa Roxas Blvd. ngunit hindi ito napansin ng media.