Kasong libelong isinampa kay Yap; Supalpal tuldukan katiwalian ni Brgy. Chairman
Johnny Balani
October 1, 2015
Opinion
DINIRIBOL mga ‘igan ni MPD (Manila Police District) Intelligence Chief Sr. Insp. Rosalino P. Ibay Jr. na parang bola ng basketball ang kasong libelo, na ipinukol kay Ka Jerry Yap! Subalit mga ‘igan, sa kasamaang-palad… hayun… sinupalpal ito ng Manila RTC Branch 55… Prrrrrrrrrt. . . “Maling hurisdiksiyon, ika nga ni Judge Josefina E. Siscar…he he he… “Mamang Pulis,” aba’y dapat n’yong malaman at ilagay sa inyong kokote, na dahil ikaw ay “public official,” na naka- “assign” sa Camp Crame, Quezon City, kung kaya naman ang mga korte ng lungsod ng Maynila ay tunay na walang hurisdiksiyon sa kasong isinampa mo. Alinsunod ito sa rules na nakasaad sa Revised Penal Code. And so, tabi-tabi po… dere-deretso po ito sa basurahan…
Teka mga ‘igan, nalalaman ba ng “Mamang Pulis” ang batas? Ay Oo naman, maaaring nalalaman, pero hindi nauunawaan… He he he… Bagama’t magkasintunog ang hulihan ng dalawang salita, aba’y malaki ang pagkakaiba nito ‘igan. Alam nga ang batas, ‘nganga’ naman kung ano ang nilalaman ng batas! Sus ginoo!
Kaya naman, tulad ng aksyon ni “Ka Jerry Yap,” sa kung sino o’ ano mang humahadlang sa pagpapahayag ng ating tunay na kalayaan, partikular ang kalayaan ng mga mamamahayag, dapat itong labanan at ipaglaban ang ating kalayaan at karapatan nang walang sinasagasaang tao. Sapagkat, ito ang magbibigay-daan, sa pagsisiwalat ng mga katiwalian, kapalpakan at ano mang bahong tinatago ng mga ‘ungas’ ng lipunan. Congrats Ka Jerry! Mabuhay Ka!
TULAD na lamang nitong tiwali umanong opisyal ng Manila City Hall, na ayon sa aking “Pipit,” makailang beses nang “Dismissed From The Service” ng Office of the Ombudsman, na puro “Grave Misconduct” ang kasong kinasasangkutan, ay hayun… si dating Barangay (131) Chairman Zone 11, District I ng Maynila at dating OIC, Administrator of Manila South Cemetery Raphael G. Mendez, ay sus… nasa Quiapo pa rin, humahataw, kaanib umano sa “Task Force Organized Vendor (TFOV)! At anong ginagawa ng “Mamang” ito sa nasabing “Task Force?” Bahala ka ng mag-isip ‘igan!
Sadya nga bang hahayaan na lamang nating babuyin at isawalangbahala ang desisyon ng Ombudsman laban dito kay Raphael G. Mendez?
Una, noong taong 2013, Kasong isinampa ng Aljon Trading, “OMB–C–A–11–0254–E For: Grave Misconduct and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service (Administrative Case), Decision: Guilty of Grave Misconduct and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, and is hereby meted the penalty of Dismissal from the Government Service pursuant to the Revised Rules on Administrative Cases in the Civil Service…” Taong 2014, Admin. Case No. 2014-0304-026, For: Grave Misconduct, na isinampa ni Mr. Querubin DP. Milanes na umano’y kanyang empleyado.
At nito lang March, 2015, ipinatupad ni Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada ang naging hatol o’ desisyon ng Ombudsman dito kay “OIC, Administrator of Manila South Cemetery na pareho lamang mga ‘igan ang naging Kaso (Isinampa naman ito ni Barangay Chairman Celso S. Sebastian) at naging Desisyon dito kay Mendez. Pero ano’t hataw pa rin sa Quiapo kasama ang TFOV! At bulong pa ng aking “Pipit” ay tatakbo pa itong Manila Councilor ng District 1! Ha? Saan kukuha ‘yan ng budget para sa kanyang Kandidatura kung saka–sakali? Kaya ba s’ya nasa “Task Force?” Huwag naman sana. Nawa’y huwag ng kunsintihin ang ganitong may bahid na ng katiwalian, ng hindi na pamarisan pa. Sundin na lamang ang sinasabi ng batas upang hindi na madugtungan pa ng isang pang pagkakamali ang isang pagkakamali. Tuldukan na ang katiwalian, partikular sa Maynila.
Tungo sa kapayapaan ng sambayanang Manilenyo!