Mga mambabatas pero bastos
Robert B. Roque, Jr.
August 4, 2015
Opinion
WALA sa lugar ang pagpoprotesta na ginawa ng mga mambabatas mula sa militanteng koalisyon ng Makabayan sa pagwawakas ng State of the Nation Address (SONA) ni President Noynoy Aquino sa Batasang Pambansa.
Nagtaas pa sila ng mga placard na nagsasabing “palpak” at “manhid” ang administrasyon. Ganu’n pa man, ang pag-iingay nila ay natabunan lang ng mga palakpak mula sa mga kaalyado ng Pangulo.
Maging si Senate President Franklin Drilon ay naringgan na binu-boo sa mikropono ang mga militanteng gumawa ng eksena.
Ano ba ang napatunayan sa nangyari bukod sa ginawa nilang kahiya-hiya ang kanilang mga sarili? Dahil sa kawalan nila ng paggalang kay PNoy ay napahiya rin ang kanilang mga kapwa kongresista, lalo na si House Speaker Sonny Belmonte na namumuno sa Kamara.
Oo nga’t mayroon tayong “freedom of expression” at kung nais nilang magpahayag ng kanilang saloobin laban sa Pangulo, sa kanyang administrasyon at sa SONA, ay karapatan nila ito.
Pero dapat ay ginawa nila ito sa labas upang hindi sana nabastos pati na ang Kongreso na kanilang kinabibilangan.
Si Aquino ay bisita nila nang mga sandaling iyon. Ito ba ang tamang paraan ng pakikitungo ng mga Filipino sa panauhin ng kanilang taha-nan?
Nakalimutan yata ng grupo na sila ay mga mambabatas na dapat ay kagalang-galang at nagpapakita ng magandang-asal sa kanilang kapwa kongresista, lalo na sa mga mamama-yan.
Ang mga miyembro ng koalisyong Makaba-yan ay sina Bayan Muna Representative Neri Colmenares at Carlos Zarate, Gabriela Representative Luz Ilagan at Emmi de Jesus, Anakpawis Representative Fernando Hicap, Kabataan Representative Terry Ridon at Act Teachers Representative Antonio Tinio.
Pinatunayan lang nito ang hinala ng publiko na ang grupo ng mga militante ay laging sumasalungat sino man ang nakaupong pangulo.
Wala silang kasiyahan at inaakalang sila lang ang magaling at laging tama. Sino ba ngayon ang gumawa ng kahihiyan at kapalpakan?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.