KINOMPIRMA ng isang opisyal ng Racal Group of Companies ang pagnanais nitong sumali sa PBA bilang expansion team ngayong taong ito.
Sinabi ng team manager ng Racal na si Nick Capurnida na isinumite ng kompanya ang bagong letter of intent kay bagong PBA Commissioner Chito Narvasa noong Huwebes tungkol sa planong pagiging bagong koponan sa liga.
“Nag-submit kami ng follow-up letter last week. Panibagong letter of intent kasi bago na commissioner eh,” wika ni Capurnida. “Hindi kami hihingi ng concession. Basta ang amin lang gusto naming makapasok sa PBA. Yung letter of intent namin purely signifying our interest lang to join. Kung ano concession ibibigay nila, okay kami. Gusto talaga naming mag-PBA so sana this time, mapansin na nila application namin. Willing naman kaming suportahan ang team namin. They can double check naman our company.”
Ang Racal ay may-ari ng ilang mga motorsiklo at maliit na kotse, pati na rin ang ilang mga household tiles.
Katunayan, may tig-isang koponan ang Racal sa PBA D League at Filsports Basketball Association.
Naunang nagpahayag ng interes ang Hapee Toothpaste na sumali rin sa PBA.
Samantala, sinabi ng team owner ng Blackwater Sports na si Dioceldo Sy na hindi dapat magmadali ang PBA sa pagkuha ng mga dagdag na expansion teams.
“The PBA should allow Blackwater and Kia to strengthen their team muna. Otherwise, too much lopsided games will kill the PBA,” ani Sy. ”Kailangan hayaan muna nila kaming lumakas, kasi makikita mo naman kapag naglalaro ang Kia or Blackwater, halos walang nanonood kasi alam na ng mga tao yung mangyayari na tambakan.”
Magpupulong ang PBA board of governors sa Tokyo, Japan, sa Agosto 7 upang pag-usapan ang planong expansion ng liga.
(James Ty III)