MAYROONG dapat managot sa pagkamatay ng 72 manggagawa, empleyado at anak ng may-ari ng KENTEX Manufacturing, ang pabrika ng tsinelas na nasunog sa Valenzuela City.
Idinidiin ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang pananagutan sa may-ari ng nasabing pabrika.
Pero, ang may-ari lang nga ba ang dapat managot?!
Maraming dapat managot, at mismong si Mayor Rex Gatchalian ay mayroong command responsibility sa nasabing insidente.
Bilang punong ehekutibo ng Valenzuela City, hindi magandang agad ituro o idiin agad ni Mayor Rex Gatchalian ang may-ari ng pabrika.
Oo nga’t ang may-ari ang ‘principal’ na may pananagutan, pero hindi mangyayari ang malalang paglabag sa maraming aspekto ng paggawa at industriya kung hindi nagpabaya o nakipagkutsabahan ang mga opisyal na dapat magpatupad ng batas.
At gaano nakasisiguro si Mayor Rex Gatchalian na wala nang pabrika sa kanilang siyudad na mayroon din kagayang kaso sa Kentex?!
Nalibot na ba niya ang mga pabrika sa buong lungsod? O kung hindi man, maaasahan ba niya ang opisyal ng kanyang administrasyon na enkargado sa responsibilidad na ito?
Mas makabubuting huwag munang magsalita si Mayor Rex.
Paimbestigahan niya ang insidente at kung mapagugulong niya ang ‘ulo’ ng mga opisyal ng lungsod na dapat managot, tiyak na masa maraming bibilib sa kanya.
Pero hangga’t turo nang turo lang siya ng kanyang hintuturo, walang maniniwala na seryoso siyang papanagutin ang mga tunay na dapat managot.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com