May kulong pala sa taong sobrang kaepalan?
hataw tabloid
January 9, 2015
Bulabugin
WALA tayong masamang tinapay kay epal este tourist guide Carlos Celdran.
Pero ang pambabastos sa pananampalataya ng kapwa ay hindi natin kinikilingan.
Inirerespeto natin na sabihin niya kung ano ang saloobin niya tungkol sa isang relihiyon o paniniwala pero para pasukin ang teritoryo nito at doon umepal at tila gustong ipakita sa sambayanan na siya ay bastos at matapang, parang wala na sa hulog ‘yan.
Hindi natin alam kung ano ang itinuturo ni Carlos Celdran sa mga tourist na napipili siyang tourist guide pero nakatatakot na baka ‘sinasalsal’ (sensationalism) na ni Celdran ang ating kasaysayan?
Sana naman ay hindi.
Masyado sigurong apektado si Celdran sa ambience ng Intramuros na tila namumuhay pa sila sa panahon ng mga Kastila kaya nang pasukin ang Manila Cathedral ay buong tapang na itinaas ang kanyang placard na may nakasulat na Padre Damaso.
Sa totoo lang, nagtawanan ang ilang parokyano, nahindik ang mga manang at manong pero hindi kumibo ang Obispo.
Pero pagkatapos ng nasabing insidente mas marami ang hindi pumabor sa ginawa ni Celdran.
Pwede naman niyang gawin iyon sa labas ng simbahan, bakit kinakailangan pa niyang pumunta sa altar.
Sa 23-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Carmelita Salandanan-Manahan ng CA 12th Division, sinasabing hindi nagkamali si Metropolitan Trial Court Branch 4 Judge Juan Bermejo Jr. nang hatulan ng parusa si Celdran dahil sa kasong paglabag sa Article 133, o offending religious feelings.
Si Celdran ay hinatulan ng pagkakulong na dalawang buwan at 21 araw hanggang isang taon at 11 araw dahil sa panggugulo at pagsigaw sa loob ng Manila Cathedral.
Nais ni Celdran na tumigil ang Simbahan sa pakikilahok sa usaping kinasasangkutan ng pamahalaan habang hawak ang placard na may nakasulat na “Damaso,” tumutukoy kay “Padre Damaso,” ang kontrabidang pari sa nobela ni Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere.
“The RTC was correct when it found that in conformity with one’s right to free exercise of religion, the faithfuls may, within the limit set by laws, rightfully practice and observe their beliefs, unimpeded by unfair interference from other people… It goes without saying that those people observing certain form of religion or sect are equally entitled to the state’s protection as any of its citizens,” sabi ng appellate court.
Moral lesson: Next time dahan-dahan ang pag-epal.