PATULOY NA GINAMIT NI KURIKIT ANG POWER NG INA PARA TULUNGAN ANG KOMUNIDAD NA KINASADLAKAN
Na-bad trip si Kurikit. Sa halip kasing magsulong ng isang resolusyon na makapagbibigay ng atensiyong medikal para sa mga maysakit ay mas una pang ipinanukala ng bugok na konsehal ang pagpapagawa ng ataul ng patay. At dahil sa pagkabuwisit, pinasukahan niya ang mukha nito sa kapwa konsehal na katabi sa upuan.
Ginamit muli ni Kurikit ang kapangyarihan ng singsing ng kanyang ina. Kinubabawan niya ang utak ng mga taga-komiteng pangkalusugan. Ipinaisip niya na kailangan ng mga maysakit na mamama-yan ang doktor at gamot. At kagyat din niyang pinakilos ang lahat ng sangay ng pamahalaang lungsod na makatutugon sa paglutas ng suliraning inihain sa sesyon ng Sanggunian.
Nagbahay-bahay ang mga health worker sa mga komunidad ng iskwater. Ipinadala ito ng pamahalaang lokal upang mabakunahan ang mga sanggol at bata ng panlaban sa Hepatitis B, TB, diptheria, pertussis, tetanus, polio, tigdas at iba pa. Kasabay niyon ang pamamahagi ng mga gamot at bitamina. Kabilang ang sambahayan nina Mang Nato at Aling Rosing sa mga nakinabang sa “Libreng Gamutan sa Barangay” – ang proyektong pangkalusugan na naging bunga ng resolusyong ipinasa ng Sangguniang Panlungsod.
Dito nakilala at nakadaupang-palad ni Kurikit si Monica. Nabasa agad niya na hindi lamang ang panlabas na kaanyuan ng dalaga ang maganda, kundi nag-aangkin din ng mabuting kalooban, namumuhay nang matuwid at may dalisay na malasakit sa kapwa. Sa idinaos na libreng gamutan sa mga barangay ay nasabi niya na totoong mas mahusay ang prebensiyon sa sakit kaysa lunas. Pero dapat din umanong maging malusog ang isang indibiduwal para mas may laban sa maraming uri ng karamdaman.
“Kaya lang, marami sa mga depressed area ay kulang sa masusustansiyang pagkain. Resulta niyon ay mal-nutrisyon sa mga kabataan at maging sa mga katandaan…” ang paliwanag pa ni Monica sa binatang duwende na mukhang mortal na tao.
“E, ano ‘yung ‘feeding program’ ng barangay na nabanggit mo kanina?” naitanong ni Kurikit sa dalagang health worker.
“Ah, ‘yun ang pagpapakain ni Tserman ng sopas o lugaw sa mga batang malnourished. Buwanan lang ‘yun kung isagawa. Pero kadalasan nga, e, wala…” sabi ni Mo-nica. (Itutuloy)
ni Rey Atalia