ni Ed de Leon
HINDI natin maikakaila, ang kauna-unahang sumikat at naging star dahil diyan sa Pinoy Big Brothers ay si Sam Milby. Instantly, naging star si Sam, tumatakbo pa man ang kompetisyon nila. Sumikat pati ang theme song ng kanilang show, dahil nakaka-identify nga rin iyon kay Sam. Aminin na nilang lahat ang katotohanan, malaki ang nagawa ni Sam Milby sa show na iyan.
Kung pagbabatayan mo ang following ni Sam doon sa show na iyon, iisipin mo may bago na ngang instant male superstar, isang kagaya ni Aga Muhlach, at si Sam Milby iyon. Pero hindi nangyari eh, kasi naging limitado ang magagawa ni Sam dahil noong panahong iyon, hindi pa siya magaling magsalita ng Tagalog. Malaking bagay iyan, dahil kailangang magaling kang mag-Tagalog para makagawa ka ng pelikula at maging mga serye sa TV na halos lahat ay Tagalog.
Pero siguro ang matinding kasikatan ni Sam ay hindi naman nawala, at masasabi ngang baka na-delay lang. Actually nagulat kami noong press conference nila ng The Gifted, nang magsalita ng diretsong Filipino si Sam, at gumagamit pa ng mga salitang masasabi mong talagang Filipino. Halata mo na ang natutuhan niya sa pagsasalita ng Filipino ay talagang aral, at base nga siguro sa libro. Nagkatinginan nga kami ng ilang mga kasamahan nang gamitin ni Sam iyong salitang”dalubhasa”, aba malalim na Tagalog na iyon. Kasi ang karaniwan, gagamitin mo ang isang salitang hiram sa Kastila, iyong “eksperto”. Kaya halata mo, iyong pagsasalita ni Sam ng Filipino, talagang aral. Kahit na sabihin mong ang basehan ng wikang Filipino ay ang salitang Tagalog, iyong ginagamit ni Sam sa pagsasalita ay talagang Filipino, hindi basta Tagalog lang.
Naniniwala kaming walang salitang puro. Roon sa tinatawag nating conversational Tagalog, o kung sabihin ng mga Kastila ay lingua franca, may mga halong salitang hiram mula sa Ingles, Kastila at iba pang mga wika. Pero iyong wikang Filipino, na siya nating wikang pambansa, iyon ang purong salita, na siguro nga masasabi nating ”wikang dalisay”.
Ngayon, sasabihin ninyo sa amin, bakit parang iginigiit namin ang spelling na gumagamit ng “P” sa Pilipino, iyon ay sapagkat naniniwala po kami na iyon ang tama. Hindi pa kami sang-ayon sa sinasabi ng mga alagad ni Fefita Foffonggay na dapat ay “F” ang Pilipino. Kasi wala pong titik na “F” sa tunay na abakadang Pilipino. Idinagdag lang nila iyan. Hindi fo sila nahiya sa fagtampalasan sa ating wika.