NAIMBITAHAN kami para saksihan ang coronation night ng Mutya ng Pilipinas 2014 sa Grand Ballroom ng Solaire Resort and Casino noong Biyernes. Nakatutuwa namang marami ang sumaksi para matunghayan kung sino-sino ang mga bagong kokoronahan sa timpalak pagandahang ito.
Late na kami nakarating sa venue at ang long gown competition ang aming nasaksihan. Kumakanta noon si Christian Bautista habang rumarampa ang may 30 contestant ng Mutya ng Pilipinas suot ang kani-kanilang naggagandahang gown.
Okey naman ang long gown competition maliban lamang sa medyo na-bothered kami sa boses ni Christian. Tila kulang sa power ang ginawa niyang pagkanta. Siguro’y dahil pagod na rin siya sa kadadaldal that night dahil siya rin pala ang isa sa host kasama si Bela Padilla. Okey naman ang hosting job ni Christian maliban kay Bela. Parang host ng isang Binggo game si Bela walang ka-class-class ang dating. Pwede lang siyang host sa mga game show.
Komento tuloy ng ibang kapatid sa panulat, “wala na bang ibang makuhang host ang GMA at si Bela ang pinag-host nila?”
Well, siguro kailangan pang mag-aral mabuti ni Bela kung pagho-host ang pag-uusapan.
Sa kabilang banda, binabati naman namin ang magandang presentasyon ng Mutya ng Pilipinas 2014. Mula sa opening number hanggang sa matapos, maliban lamang sa nang ina-announce na ang Top 10 na animo’y may kung anong laban ang ginagawa o ‘yung tinatawag ang mga numerong mananalo sa Binggo.
Binabati namin ang nagwagi bilang Mutya ng Pilipinas Asia-Pacific International 2014 na si Eva Psychee Patalinjug ng Cebu City, na talaga namang bukod sa crowd favorite. Si Glennifer Perido ng Cordillera naman ang itinanghal na Mutya ng Pilipinas Touirism International 2014, 3rd titleholder si Patrizia Bosco ng Milan, 1st Runner-up naman si Cristine Racel ng Olongapo, at si Kim Fyfe ng Australia ang 2nd Runner-up.
Congratulations sa mga nagsipagwagi.