ni Maricris Valdez Nicasio
BINABATI naming ang pamunuan ng ABS-CBN Corporation dahil sa pagkapanalo nila ng Award of Excellence mula sa prestihiyosong International Gold Quill Awards 2014 para sa film restoration campaign na naglalayong mapanumbalik ang kalidad ng classic Filipino films at muli itong ipakilala sa kasalukuyang manonood.
Tinanggap ni ABS-CBN head of Content Management Group, Film Archives & Special Projects Leo Katigbak ang parangal mula sa International Association of Business Communicators sa ginanap na IABC Gold Quill Awards Gala sa Toronto, Canada.
“Kakaibang antas ng husay ang ipinamalas ng mga kalahok ngayong taon kaya naman ipinagmamalaki namin na mapabilang sa listahan ng mga nagwagi at maging isa sa mga kinatawan ng bansa,” ani Katigbak.
Isinusulong ng ABS-CBN Film Archives ang pag-restore at gawing high definition (HD) format ang mga mahahalagang titulo sa kasaysayan ng Philippine cinema para maipamalas at maipapanood pa sa susunod na mga henerasyon. Sinumulan ito ng ABS-CBN noong Oktubre 2011, sa pakikipagtulungan sa Central Digital Labs, sa pelikulang Himala ni Ishmael Bernal.
Matapos ang matagumpay na pag-restore ng Himala, ipinalabas uli ito sa publiko sa pamamagitan ng telebisyon, cable, sinehan, pay-per-view, at DVD. Naimbitahan pa ito sa pretihiyosong 69th Venice Film Festival.
Ginamit ang parehong estratehiya sa iba pang pelikulang ini-restore ng ABS-CBN Film Archives tulad ng Oro, Plata, Mata at Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?
“Mahusay na sinalamin ng tatlong pelikulang ito ang kultura at uri ng lipunang mayroon ang mga Filipino noon. Hindi lang natin ito dapat pangalagaan kundi dapat masalin din sa digital format para na rin sa kapakanan ng susunod na henerasyon ng mga manonood,” paliwanag pa ni Katigbak.
Dagdag pa ni Katigbak, malayo pa ang tatakbuhin ng restoration project lalo pa’t marami pang classic Filipino films ang nakatakdang i-restore sa mga susunod na taon tulad ng Virgin People, Hindi Nahahati Ang Langit, at Karnal.