PATAY ang mag-asawang senior citizen habang nasugatan ang kanilang anak, makaraang masunog ang kanilang bahay sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City, iniulat kahapon ng umaga.
Kinilala ni QC District Fire Marshall Senior Supt. Jesus Fernandez ng Bureau of Fire Protection ang mag-asawa na sina Lara, 65, at Severino Macabinguil,70, kapwa ng 25 O’Donel st., Brgy. Holy Spirit.
Nasugatan ang kanilang anak na si Dahlia Macabinguil, 27, na nagkaroon ng 3rd degree burn sa katawan.
Ayon kay Fernandez nagsimula ang sunog dakong 6:12a.m. sa bahay ng mga biktima sa lugar at dahil gawa sa light material, mabilis kumalat ang apoy.
Dakong 6:28 a.m. nang maapula ang sunog at tinatayang umabot sa P40,000 ang napinsala ng sunog na nagsimula sa napabayaang kandila sa altar.
ni almar danguilan