NAKAAALARMA ang natuklasan natin kahapon kaugnay ng isang hold-up/robbery case na nangyari d’yan sa harap ng De La Salle University Dagonoy gate.
Ito ay kaugnay ng tila bogus na compliance ng mga establishments malapit sa nasabing unibersidad gaya ng Torre Lorenzo Condominium, Banco de Oro at Jollibee along Taft Avenue malapit lahat sa De La Salle at College of St. Benilde.
Bilang isang magulang, ako ay nag-aalala sa seguridad ng mga estudyanteng nag-aaral sa nasabing paaralan, gaya nga ng naranasan ng isang 17-anyos na estudyante nitong nakaraang Abril 4, bandang 8:50 ng gabi.
Hinablot na ang kanyang laptop, sinagasaan pa ang kanyang paa. Mabuti na lang at agad siyang nasaklolohan ng security guard na si Mark Joseph Caponpon.
Pero ang higit pong nakaaalarma rito ay nang matuklasan ng imbestigador na si PO3 Manny Parungao, sa kanyang follow-up investigation, na ang mga CCTV camera sa tatlong establishments na nabanggit ay hindi naka-instila.
Ibig sabihin, meron lang nakasungaw na CCTV camera pero walang koneksiyon. Kumbaga, for display ‘este’ compliance lang dahil requirements ngayon ‘yan sa pagkuha ng business permits.
Habang ‘yung CCTV camera naman sa Dagonoy gate ng DLSU ay nahaharangan ng poste ng LRT.
Ang holdaper na bumiktima sa 17-anyos na estudyante ay naka-L300 at gumamit ng toy gun.
Isinusulat po natin ang pangyayaring ito para tawagin ang pansin ng DLSU at St. Benilde College management, maging ang management ng Torre Lorenzo Condo, BDO at Jollibee.
Ayusin po ninyo ang CCTV ninyo, huwag nang para sa kapakanan ng mga kliyente ninyo kundi para sa kaligtasan ninyo mismo. Paano kung isang araw e pasukin kayo ng masasamang loob, paano maire-record ang pagmumukha ng mga walanghiyang ‘yan?!
Sa DLSU po, paki-check ‘yung CCTV ninyo na nahaharangan naman ng poste ng LRT.
Sa Manila Police District (MPD) Malate Station (PS-9) at Ermita Station (PS5), i-check po ninyo ang mga CCTV under sa area of responsibility (AOR) ninyo, tourist area po kayo, bukod pa sa ilang malalaking unibersidad ang nariyan sa area ninyo.
Galaw-galaw din kapag may time!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com