HINDI kinakailangang pumili sa pagitan ng sektor magsasaka at mga mamimili kung tamang ipatutupad ng pamahalaan ang mga polisiya patungkol sa pag-aangkat ng bigas at pagpapainam ng produksyon sa sektor agrikultura, ayon sa anim sa mga pinakamahuhusay na ekonomista sa bansa.
Sa harap ng napipintong paggastos ng pamahalaan ng halagang P23.6 bilyon upang mag-angkat ng 800,000 metriko toneladang (MT) bigas, apela ng mga ekonomista: ilagak na lamang ang salapi sa pagpapalakas ng lokal na produksyong pang-agrikultura.
Ayon sa ekonomista at dating National Economic Development Authority (NEDA) secretary Gerardo Sicat, mas mabuting pamuhunanan na lamang ng gobyerno ang “impraestrukturang agrikultural, suportang pinansyal at pautang, at tulong teknikal” para sa mga magsasaka.
“Sa ganitong balangkas, matutulungang makaani ng mataas na kalidad ng bigas ang mga magsasaka, mapataas ang kanilang produksyon, at makahanap ng ‘niche market’ para sa export,” dagdag ni Sicat, isa sa mga nagtatag ng Philippine Institute for Development Studies, ang nangunugnang “social policy think tank” sa Timog Silangang Asya.
Una nang sinabi ng tagapagsalita ng Palasyo, si Sec. Herminio Coloma na magdedesiyon ang gobyerno nang ayon sa nakabubuti sa higit na nakararami.
“Kailangan pong tiyakin ng pamahalaan iyong, ‘greatest good for the greatest number.’ Wala po tayong idini-discriminate na kahit anong sektor sa lahat po ng pagpapasiya ng pamahalaan, iyong pinakamainam para sa pinakamaraming Filipino ang batayang prinsipyo,” tugon ni Coloma nang tanungin tungkol sa tumataas na presyo ng bigas.
Ngunit sa gitna ng kakulangan ng produksyon at patuloy na pagsirit ng presyo ng bigas, iba ang naging tugon ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA): pagpapalawig ng “quantitative restriction” sa ilalim ng World Trade Organization (WTO) na nagtapos na noong 2012, at pag-aangkat ng 800,000 MT bigas, na sa kasalukuyang presyo ay magkakahalaga ng mahigit P23 bilyon.
Ayon sa datos ng National Irrigation Administration (NIA), sapat ang P23.6 bilyon upang makalikha ng irigasyon para sa mahigit 195,000 ektaryang lupain, mas malaki pa sa buong lalawigan ng Laguna, at maaaring pag-anihan ng mahigit 1.56 milyong MT ng bigas kada taon. Katumbas ito ng P36.4 bilyon halaga ng bigas sa P23,333.57 kada metriko tonelada, ayon naman sa datos ng DA.
Maaalalang tinuligsa rin ni Ramon Clarete, dekano ng UP School of Economics, ang pagpupumilit ng pamahalaan sa isang taon nang pasong QR sa bigas dahil ang pagtaas ng presyo nito ay “epekto ng mga restriksyon sa importasyon.”
Para naman kay Roehlano Briones, isa rin ekonomista mula sa UP at PIDS, mas makabubuting pribadong sektor na lamang ang mag-angkat ng bigas nang may karampatang regulasyon, dahil hindi gaya ng gobyerno, “mabilis itong kumilos, nang naaayon sa kalagayan ng merkado ang mga desisyon, at hindi apektado ng politika ang pagpapasya.”
“At ang taripang binayaran ng pribadong sektor sa pag-aangkat ng bigas ay maaaring ilagak sa pagpapataas ng produksyon sa agrikultura at pagbibigay-pagkakataon sa mga magsasakang sumubok ng ibang pananim kung saan mas malaki ang kanilang kikitain,” paliwanag ni Briones.
Katulad rin ang naging opinyon ng iba pang mga dalubhasa kagaya nina Flordeliza Bordey at Aileen Litonjua ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) at Anthony Abad na dati namang namuno sa NFA noong taon 2000 hanggang 2002.
Ayon sa tatlo, higit na nakasasama kapwa sa sektor magsasaka at mga mamimili ang pananatili ng polisiyang QR ng gobyerno.
“Kung (dahil dito’y) hindi matutukan ang pagpapalakas ng kakayanan ng mga magsasaka at ng pribadong sektor upang maayos na umani at makapangalakal ng maaayos sa merkado, higit na masasaktan ang lokal na industriya ng bigas sa bansa,” giit nina Bordey at Litonjua.
“Pilipinas na lamang ang may umiiral na QR sa lahat ng mga bansa sa buong mundo … ito ang tunay na ugat ng katiwalian, smuggling, at pagtaas ng presyo,” sinabi naman ni Abad sa hiwalay na panayam.
HATAW News Team