NAKAKUHA ng kakampi si Anne Curtis sa katauhan ng komedyanteng si Vice Ganda hinggil sa nasuungang kontrobersiya kamakailan. May kaugnayan ito sa pagwawala at pananampal daw ng aktres sa isang event sa Privé Club sa Bonifacio Global City.
Ayon sa balita ilang personalidad ang sinigawan, ininsulto, at sinampal ni Anne, kabilang na sina John Lloyd Cruz at Phoemela Baranda.
Negatibo man ang epekto nito kay Anne, nakita naman niya kung anong klaseng kaibigan si Vicena kasama niya sa It’s Showtime ng ABS CBN. Isa si Vice sa unang dumipensa kay Anne na nagsabing, “I need to be there for a friend.”
Hindi dapat papasok si Vice sa kanilang noontime show, subalit para magpakita ng suporta kay Anne, kahit ngarag na ngarag ay sumulpot siya sa It’s Showtime. Sinabi ng bida sa MMFF entry na Girl Boy Bakla Tomboy na ginawa niya iyon dahil kailangan niyang ipakita ang pagsuporta at pagdamay sa isang kaibigan.
“Kahit hindi niya sabihin, alam natin na nasasaktan iyong tao. Alam na alam ko yung pakiramdam na ‘yan, kasi nanggaling na din ako riyan. Bakla na ako, matapang na ako, pero iniyakan ko ‘yan, naiyak ako sa mga sinabi sa akin. Sa mga panghuhusga na ibinigay sa akin, sa mga nabasa na sobra-sobra tungkol sa akin.
“Lalo na kung babae ka, malambot ka at hindi ka sanay sa ganyan. Alam ko kung gaano kasakit ‘yan kaya sabi ko, ‘I have to be here for you.’”
Ang sinasabi ni Vice ay may kaugnayan sa naging rape joke niya noong Araneta concert niya at ang pagbibiro sa size ni Jessica Soho.
Ayon pa kay Vice, sinabihan niya si Anne na magpakatatag at gawing busy ang sarili. “Sabi ko sa kanya na, ‘Ako, hindi ko kini-claim na ako ay relihiyoso, hindi ako pala-samba at marami akong palya. Pero napasimba ako dahil wala na akong puwedeng takbuhan kundi ang Diyos na lang.
“‘Ikaw, ang magagawa mo na lang ay umiyak, magdasal, at maghintay na tapos na ito.”
Sabi pa ni Vice na hindi rin daw halos nagbabasa ng Twtter si Anne at ginagawa nito ang lahat para hindi mapektuhan ng isyu. Lahat daw ng mga kasama nila sa Showtime ay nakasuporta kay Anne.
Bago pa man ang mga pahayag na ito ni Vice, marami siyang Tweet nang pagsuporta kay Anne.
Ang latest sa intrigang ito, nagkaayos na raw ang mga personalidad na involved dito, although wala pa talagang naririnig na pahayag mula kay John Lloyd.
Carmina Villaroel, bad na mommy!
MARAMING fans nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ang inis na inis kay Carmina Villaroel dahil sa pagiging kontrabida nito sa lovelife ng dalawang bagets.
Si Carmina kasi ang rason sa napipintong paghihiwalay nina Kathryn at Daniel sa top rating TV series na Got To Believe. Bilang nanay ni Daniel, ayaw niya si Kathryn para sa anak dahil mahirap lang ito at hindi bagay sa kanyang unico iho.
Maraming perhuwisyong ginawa si Carmina bilang si Juliana kay Kathryn na ginagampanan naman ang papel na Chichay Tampipi sa naturang serye ng ABS CBN. Bukod sa pang-aapi kay Chichay, inalisan niya ito ng scholarship, tinanggal sa trabaho ang nanay ni Chichay na si Mama Bear (Manilyn Reynes), sinabotahe ang exhibit ng paintings ni Chichay na nagresulta ng posibleng pagkawala ng scholarship niya, etcera.
Ilan lang ito sa kagagawan ni Carmina aka Juliana, kaya pati anak ko ay nagsabing, ‘Ang bad naman ni Carnmina, daddy.’ I’m sure, ganito rin ang sentimyento ng ibang televiewers, lalo na iyong mga bagets na fans nina Kathryn at DJ.
Pero sa totoo lang, ang karakter niya rito ay kabaligtaran nang pagiging dakilang nanay niya sa kanyang kambal na sina Cassandra at Maverick na laging nakikita ng mga taga-showbiz . Patunay lang ito na effective na aktres ang misis ni Zoren Legaspi.
Nonie V. Nicasio