SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
“AYAW kong manira ng masayang pamilya!” Ito ang iginiit ni Ai Ai delas Alas kahapon sa media conference ng Batang Paco nang biruin itong baka magka-developan sila ng coach niya sa gym.
Aktibo si Ai Ai sa pag-eehersisyo o pagpunta sa gym na ibinabahagi niya sa social media. At dito ay nailahad niya ang pagsali nila ng kanyang tinatawag na ‘partner’ sa Hyrox HongKong.
Ang Hyrox Hong Kong ay isang fitness competition na bukas para sa lahat. Isa itong innovative, holistic approach sa fitness tulad ng running at natural movements combined to a unique indoor fitness competition.
Ani Ai Ai, naka-register na sila sa Hyrox Hongkong.
At dahil madalas silang magkasama ng naturang coach, biniro ito ng isang media na baka magka-developan.
Mabilis na nilinaw ng aktres na bida sa Batang Paco kasama si Empoy Marquez na may pamilya na ang naturang coach.
“Ayaw ko magsalita ng tapos pero ayokong sumira ng buhay ng may asawa. Ang coach ko ay may asawa at napakasaya ng pamilya niya kasama ng mga anak. Huwag nating bastusin si coach,” giit pa ng aktres.
Samantala, ngayong Pebrero, tuluyan nang nasa spotlight ang Batang Paco dala ang isang matapang na pangako: isang pelikulang Pinoy na tumatama sa puso, totoo sa emosyon, at muling nagpapaalala kung bakit mahalaga pa rin ang mga kuwentong umiikot sa pagmamahal.
Pinagbibidahan ni Empoy, ang paparating na family comedy film na mabilis na nagiging usap-usapan bilang isa sa pinaka-inaabangang local releases sa unang quarter ng 2026.
Produced ng MiVida Productions, Inc., ang Batang Paco ang kauna-unahang handog ng kompanya — at maituturing na kanilang statement piece.
Ipinakikilala ng pelikula ang isang bagong production outfit na hindi takot maghalo ng genres, emosyon, at enerhiya, na lahat ay nakasentro sa isang makapangyarihang idea: kayang gawing extraordinaryo ng pagmamahal ang kahit pinaka-ordinaryong tao.
Sa puso ng kuwento si Paco ay isang mahiyain at tahimik na tattoo artist na kailanman ay hindi inisip ang sarili bilang bayani, hanggang sa dumating ang pagkakataong wala na siyang ibang choice.
Nang dinampot ang kanyang anak, napilitan si Paco na pumasok sa isang delikadong mundong mas malaki at mas mabigat.
Ang kasunod ay hindi lang isang thrilling ride, kundi isang malalim na kuwentong Filipino tungkol sa takot, pananampalataya, at hanggang saan kayang umabot ang isang magulang para sa anak.
Hatid ni Empoy ang isang powerhouse performance na pinagsasama ang humor, puso, at vulnerability — ito na yata ang isa sa kanyang pinaka-grounded at relatable roles sa ngayon.
Ang Paco na kanyang ginampanan ay hindi perpekto, hindi fearless, at lalong hindi invincible — tao siya, may takot at kahinaan.
At doon nagmumula ang tunay na lakas ng pelikula.
“Hindi kailangang maging perpekto para maging bayani,” ani Empoy. “Kapag pagmamahal na ang nagtutulak sa’ yo, may lakas kang hindi mo inaasahan.”
Nakabalangkas sa raw, colorful, at chaotic na backdrop ng Metro Manila, mahusay na binabalanse ng Batang Paco ang laugh-out-loud moments, exciting thrills, at mga tahimik pero tumatamang emotional beats.
Sinusuportahan ang kuwento ng isang dynamic ensemble cast na nagbibigay ng lalim at bigat sa paglalakbay ni Paco.
Nangunguna rito sina Ai Ai Delas Alas, Mon Confiado, Ynez Veneracion, Chichi Rita, at Cassy Lavarias, kasama rin sina Richard Quan, Alma Concepcion, Lara Morena, Natasha Ledesma, Kookoo Gonzales, Gerard Acao, Josh Ivan Morales, Kim Rodriguez, Jovi Vargas, at Quentin Molo.
Sa direksiyon ni Rechie del Carmen at panulat ni Gina Marissa Tagasa, malinaw na nasasalamin sa pelikula ang creative vision ng MiVida Productions — bold na storytelling, emotionally grounded, at swak sa panlasa ng modernong audience.
Para sa producer na si Ana Abiera Del Moral, isang dating aktres na ngayo’y entrepreneur, ang Batang Paco ay higit pa sa unang proyekto — ito ang boses ng kompanya.
“Personal, fearless, at puno ng puso ang pelikulang ito,” ani Ana. “Ito ang klase ng kuwentong gusto naming makilala ang MiVida.”
Habang papalapit ang nationwide theatrical release ng Batang Paco malinaw ang mensahe nito: hindi lang ito basta entertainment — isa itong paalala na hindi lahat ng bayani ay hindi laging may suot na kapa.
Minsan, mukha lang itong isang magulang na ayaw sumuko.
Mapapanood ang Batang Paco sa mga sinehan sa buong bansa simula Pebrero 18.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com