NAGDULOT ng katanungan at batikos ang Department of Health (DOH) matapos lumabas ang mga dokumento na nagpapakita na ang pinakamalaking alokasyon ng Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) sa panukalang 2026 DOH budget ay inilaan ni Secretary Teodoro Herbosa kay opposition senator Bong Go.
Ang naturang impormasyon ay nag-leak umano mula sa tanggapan ni DOH Undersecretary Elmer Punzalan, kung saan malinaw na nakasaad ang mga MAIP allocation sa mga senador bilang budget amendments na isinama sa mga annexes ng DOH budget para sa taong kasalukuyan.
Salungat ito sa bagong patakaran na mahigpit na nagbabawal sa pag-uugnay ng MAIP sa mga pulitiko, upang maiwasan ang paggamit ng tulong medikal bilang kasangkapan ng patronage politics.
Sa kabila ng malinaw na pagbabawala na ito, lumalabas na may direktang alokasyon para sa mga senador, kung saan si Senador Go ang tumanggap ng pinakamalaking bahagi na nagkakahalaga ng 300,000. Sumunod lamang kay Bong Go si Senate President Tito Sotto na binigyan ng 200,000 pesos.
Matatandaang nagpahayag din si DOH Undersecretary Albert Domingo na ang MAIP ay ide-download lamang sa mga ospital na pinatatakbo ng local government units, alinsunod sa Zero Balance Billing policy, at hindi maaaring idaan o italaga sa mga mambabatas.
Sa kabila ng malinaw na posisyong ito ng DOH, nakapagtataka na biglang nagkaroon ng alokasyon para sa mga senador at napunta pa sa oposisyon ang pinakamalaking bahagi nito na inihabol mailusot sa DOH budget na aprubado ng DOH Secretary.
Si Senador Bong Go ay kilalang malapit na kaalyado at kanang kamay ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na lalo pang nagpapataas ng hinala na ang pamamahagi ng MAIP ay maaaring pinapaboran ang mga personalidad na may matibay na impluwensiyang politikal, sa halip na dumaan sa malinaw na mekanismo ng serbisyong pangkalusugan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com