ni TEDDY BRUL
PATULOY na nalalagay sa panganib ang kalusugan at kaligtasan ng mga magulang at batang nag-aaral mula sa Sitio Dagat-Dagatan sa Cainta tuwing tatawid sila ng ilog upang makarating sa Muntingdilaw Elementary at High School sa Sitio Bulao, Barangay Muntingdilaw, Antipolo City.
Noong 29 Setyembre, isang lokal na vlogger na kilala bilang A.N. Vlog mula Cainta ang nagbahagi sa Facebook ng video na nagpapakita ng mga magulang at batang maingat na tumatawid sa makitid na riprap sa tabi ng Filinvest East Homes upang makapasok sa eskuwela. Mabilis itong nag-viral, umani nang mahigit 5,000 komento at 12,000 shares, at agad na nakatawag ng pansin ng mga opisyal ng Barangay Muntingdilaw.
Ayon sa tala ng barangay, saklaw ng Muntingdilaw ang ilang sitio kabilang ang BSN, Majayjay, Manggahan, Bulao, Silayan, Gilid Madre, at Dilain. Samantala, sakop naman ng Barangay Sto. Domingo sa Cainta ang Sitio Dagat-Dagatan. Maraming pamilyang maralita mula sa Dagat-Dagatan ang nag-eenrol sa mga pampublikong paaralan ng Muntingdilaw dahil ito ang pinakamalapit sa kanila.
Bilang tugon sa naturang viral na post, naglabas ng abiso ang Barangay Security Office ng Muntingdilaw na nagsasaad na simula 6 Oktubre 2025, ipasasara na sa publiko ang daanan sa riprap ng Landisco Property patungong Dagat-Dagatan, bilang hakbang sa kaligtasan.
Ayon kay Wilma M., residente ng Muntingdilaw, mas magiging mahirap at magastos para sa mga magulang at mag-aaral ang pagpasok sa paaralan dahil kakailanganin nilang sumakay nang tatlong beses sa tricycle at dumaan sa mga pribadong subdivision upang makarating sa eskuwelahan.
“Kung iiwas kami sa pagtawid sa ilog, tatlong beses kaming sasakay ng tricycle sa mga subdivision. Mahal na, nakapapagod pa — lalo na para sa mga bata,” saad naman ng residente ng Sitio Dagat-dagatan.
Nanawagan ngayon ang mga residente ng Cainta at Antipolo na magpatayo ng tulay na mag-uugnay sa Sitio Dagat-Dagatan at Barangay Muntingdilaw upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawahan ng mga estudyante at mamamayan.
Sinubukan ng HATAW na makipag-ugnayan sa Pamahalaang Bayan ng Cainta sa pamamagitan ng Public Information Office upang iulat ang sitwasyon. Inilipat ang tawag sa tanggapan ng alkalde, at ayon sa isang kawani, maaaring mabasa ni Mayor Johnielle Keith Nieto ang ulat na lumaganap sa facebook.
Ibinahagi rin ni Wilma na halos dalawang dekada na silang nakatira sa Muntingdilaw, na ngayo’y napalilibutan ng anim na malalaking subdivision —Filinvest East Homes, Village East Homes, Vista Verde Country Homes, La Colina Village, Brookside Hills Subdivision, at Valley Golf Country Club — na unti-unting naglilimita sa kanilang galaw at pag-access sa mga pangunahing serbisyo gaya ng klinika at pamilihan.
Noong 2019, isinara ang gate ng La Colina Subdivision, na dating dinaraanan ng mga residente papunta sa Antipolo City Hospital System Annex IV – Mambugan sa Sumulong Highway.
“Ngayon, liligid pa kami palabas ng barangay papunta sa Ortigas Avenue sa Cainta, saka sasakay ng jeep papuntang Sta. Lucia East Mall. Doon pa lang kami muling sasakay ng jeep patungong bayan ng Antipolo na madaraanan ang ospital sa Barangay Mambugan,” dagdag ni Wilma.
Batay sa 2020 Census ng Philippine Statistics Authority (PSA), may populasyong 13,515 ang Barangay Muntingdilaw, na may pitong Sitio. Karamihan sa residente ay mga informal settler families — mga naninirahan sa lupang walang legal na pagmamay-ari at kulang sa mga batayang serbisyo publiko ang pamayanan.
Bukod sa kawalan ng katiyakan sa paninirahan ay dinaranas ng karamihan ang mataas na bayarin sa koryente (dahil sa paggamit ng sub-meter ng Meralco), nahaharap sa panganib ang mga informal settler sa mga sakuna dahil marami sa kanilang tahanan ay nakatayo sa tabing ilog, mabababang lugar, o marurupok na dalisdis na madaling bahain. (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com