ni TEDDY BRUL
INAASAHANG dadagsa ang libo-libong deboto sa Saint Peter of Alcantara Parish Church sa bayan ng Pakil, Laguna, sa darating na Linggo (14 Setyembre) para ipagdiwang ang kapistahan ng Nuestra Señora de los Dolores de Turumba (Mahal na Birhen ng Hapis ng Turumba) — na kinikilalang pinakamahaba at pinakamatagal na Marian Festival sa buong bansa.
Simula ng Debosyon
Nagsimula ang tapat na debosyon noong 1788, nang matagpuan ng mga mangingisda ang isang maliit na larawan ng Mahal na Birheng Maria sa kanilang lambat matapos lumubog sa lawa ng Laguna de Bay ang isang bangkang may kargang mga religious relics.
Masisilayan sa dibuho, mukha ng pagdadalamhati ng Mahal na Birhen at may punyal na nakatarak sa kaniyang puso—isang malinaw na pagsasalarawan sa propesiya ni Simeon.
Ang hula ni Simeon ay nakalahad sa Biblia ang Pitong Kapighatian ni Maria nang masaksihan niya ang pagdurusa at pagkapako sa krus ng kanyang anak na si Jesus.
Inihango sa Pitong magkakahiwalay na pagdiriwang, o “Lupi” (ibig sabihin ay “tupi,” na tumutukoy sa pagsasara ng mga aklat ng nobena), na taimtim na pamamanata ng mga deboto.
Ang natatanging pangyayaring ito ang nagbunsod ng unang “Turumba,” isang katagang iniuugnay sa salitang “natumba sa laki ng tuwa.”
Mula noon, naging taunang tradisyon ang sayaw, awit, at panalangin bilang pagpaparangal pagtatapos ng paghapis ng Inang Birheng Maria.
Pitong Buwang “Lupi” na Pagdiriwang
Ang Turumba ay hindi lamang isang araw ng pista kundi isang pitong buwang serye ng mga pagdiriwang na tinatawag na Lupi. Nagsisimula ito sa Viernes de Dolores (Biyernes bago ang Linggo ng Palaspas) at nagpapatuloy hanggang sa kapistahan ng Pentekostes.
Bawat Lupi ay sumasariwa sa isa sa pitong dalamhati ng Mahal na Birhen, at isinasagawa pagkatapos ng isang prusisyong may kasamang awit at sayaw.
Lumipas ang panahon at nadagdagan pa ang mga pista: ang Fiesta Pakileña tuwing 12 Mayo, Inang Matulungin tuwing Hunyo, Pistang Lagunense tuwing Hulyo, at Piyestang Pag-uugnay tuwing Agosto.
Pamamanata ni Gat Jose RIzal
Tumingkad ang pagkilala sa debosyon sa Nuestra Señora delos Dolores de Turumba nang banggitin ni Dr. José Rizal sa kaniyang nobelang Noli Me Tangere, ang personal niyang pagbisita sa Pakil at panamampalataya sa dambana noong 1881.
Magbubunsod ito ng pagdami ng deboto sa imahen ng Turumba na siyang nananatiling nananahan sa parokya ng Pakil, kasama ang imahen ng rebulto ng Birheng Maria na nagmula pa sa Espanya noong huling siglo ng 1700.
Pagdagsa ng mga Deboto
Sa kasalukuyan, medyo nahihirapan ang bayan ng Pakil na kupkupin at pagkasyahin ang napakaraming deboto na dumarating mula sa iba’t ibang lalawigan ng Quezon, Laguna, Rizal, at maging sa Kalakhang Maynila tuwing Pistang Lupi.
Marami sa kanila ang natutulog na lamang sa mga sasakyang van, jeepney, tent, o maging sa ibabaw ng puntod sa sementeryo.
Gayonpaman, patuloy ang ilang taga-Pakil sa pagbubukas ng kanilang mga tahanan at pagbabahagi ng pagkain sa mga peregrino—isang tradisyong pagkalinga sapol noong dekada 1940.
Matamang tumutugon sa alitintunin ang mga deboto sa pananatili ng kalinisan ng paligid.
Mga Himala
Pinaniniwalaan ng marami na ang lumalawak na debosyon ay dahil sa mga himalang iniuugnay sa Mahal na Birhen: mga napagaling sa karamdaman, proteksiyon sa mga tahanan at kabuhayan, at biyayang dulot ng pagpilas nila ng pira-pirasong kasuotan ng Birhen na maingat na iningatan at itinuturing na pinagpala.
May mga mayayaman na taga-Pakil ang nagbibigay ng mamahaling damit ng mga poon bagopaman sumapit kapistahan.
Higit pa sa Pakil
Kalahok lagi ang imahen ng Nuestra Señora delos Dolores de Turumba sa taunang pagdiriwang ng engrandeng Intramuros Grand Marian Procession (IGMP) sa Maynila.
Ginaganap tuwing Unang Linggo ng Disyembre ang pagpupugay sa Pista ng Immaculate Conception na lumalahok ang mahigit 100 imahen ng Birhen Maria na galing sa mga iba’t ibang parokya at pamilya.
Pinakatampok sa grand procession ang bawat daraanan ng Birhen ng Turumba dahil sa bulto-bultong nagpupugay na mga deboto mula sa iba’t ibang bayan ng bansa.
Umaalingawngaw ang pag-awit sa partisipasyon ng dagsang deboto na halos kabisado ang liriko ng Awit Ng Turumba at sumasabay din sa sayaw na naaayon sa nakagawiang indayog para sa Turumba ng Pakil.
Pananampalatayang Hindi Nagmamaliw
Sa mahigit dalawang siglo, nanatiling tapat na mga deboto sa Mahal na Ina — mapighati subalit mapaghimala. Sa kaniyang kapistahan, patuloy na nagtitipon ang madla upang magdasal, umawit, at magsayaw nang may galak, bilang tanda ng pananampalatayang walang humpay.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com