Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
GAANO katotoo na hinaharang umano ni Senator Imee Marcos ang aplikasyon ni DOJ Secretary Boying Remulla na makasama sa listahan para maging nominee sa susunod na mamumuno sa tanggapan ng Ombudsman?
May kaugnayan umano kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa ICC sa The Hague, Netherlands. May pangamba ang Senadora na sakaling si Remulla ang mapiling mamuno sa Ombudsman ay tiyak na may kalalagyan ang dating Pangulong Duterte, maging ang mga kasong kinasasangkutan ni VP Sara Duterte.
Posibleng may katotohanan ang bintang na ito kay Senadora Imee dahil alam ng lahat na nasa panig siya ng mga Duterte sa kabila na kapatid niya si PBBM.
Opinyon ng nakararami, kapwa may dahilan sina Remulla at Senator Imme Marcos, alam natin na si Remulla ay alipores ni PBBM samantala si Imee ay nasa panig ng mga Duterte.
Kahit ano ang mga hidden agenda ng magkabilang panig, alam ng taongbayan na napakagulo na ng sitwasyong politikal sa ating bansa pero ang nagsasakripisyo ay ang mga mamamayan.
***
Mahilig talaga sumawsaw ng dakdak si VP Sara. Gaya nga ng mga isyu sa mga ‘guni-guni projects’ ng flood control. Hamon ni VP kay PBBM, kung gusto raw matapos agad ang isyu, kaya na raw nang isang araw para tapusin at parusahan ang mga dapat parusahan.
E kasi nga naman sanay ang mga Duterte sa ‘tokhang’, mabilisan nga naman! Pero hindi ganoon ang sistema, dahil kailangan ng matibay na ebidensiya.
Hays, itong si VP Sara, ubod nang yabang, ano ba ang nagagawa niya sa bansa? Pakitanong nga kay Mary Grace Piattos?
‘Yung sinasabi ni VP Sara na 32 milyong bumoto sa kanya, baka nakalimutan niyang may ambag din na mga boto diyan ang lahat ng botante ni PBBM.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com