SIPAT
ni Mat Vicencio
KAPAG ang pag-uusapan ay politika sa Northern Samar, kaagad at mabilis na papasok sa isipan ng mga waray-waray ang dalawang makapangyarihang pamilya ng Daza at Ongchuan.
Sa mahabang panahon at hanggang sa kasalukuyan, ang Northern Samar ay pinaghaharian ng angkan ng Daza at Ongchuan — ang maituturing na dinastiyang patuloy na namamayagpag sa larangan ng politika.
Kaya nga, ngayong 20th Congress, napapanahong bigyan muli ng pansin ang mga panukalang batas sa Kongreso hinggil sa anti-political dynasty na naglalayong tuluyang wakasan ang mga maimpluwensiyang pamilya na kumokontrol ng politika sa kani-kanilang probinsiya.
Sa panukala nina Rep. Antonio Tinio at Rep. Renee Co, ang House Bill 209 ay ninanais na tukuyin ang dinastiya bilang isang pamilya o angkan na nagpapanatili ng kapangyarihang pampolitika sa kanilang kamay sa pamamagitan ng sabayang paghawak ng mga posisyon o sunod-sunod na panunungkulan.
Ang bill ng Makabayan bloc ay layuning ipagbawal ang political dynasty sa bansa.
Nitong nakaraang 19th Congress, ang mga proposed bills sa anti-political dynasty tulad ng Senate Bill 548 ni Senator Grace Poe, Senate Bill 2730 ni Senator Robin Padilla, HB 1157 ni Rep. Raoul Manuel at HB 389 ni Rep. Gabriel Bordado ay ‘naburo’ lang sa Senado at Kamara at hindi inaksiyonan ng mga mambabatas.
Ang pamilyang Daza ay nagsimulang mamayagpag noong 1969 nang unang mahalal si Raul Daza bilang kongresista ng Lone District ng Northern Samar. Sandaling natigil ang karera sa politika ni Raul matapos magdeklara ng Batas Militar si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Nang maglunsad ang taongbayan ng EDSA People Power 1 noong 1986 at mapatalsik sa puwesto si Marcos, nagpatuloy at nagpaulit-ulit na naging congressman si Raul ng First District ng Northern Samar at minsang nahalal bilang gobernador ng lalawigan.
Sa tagal ng panunungkulan ni Raul bilang mambabatas, mapapansing halos nagsasalitan o nagpapalitan lang sila ng kanyang anak na si Paul Daza sa pagka kongresista. Si Paul ay naging gobernador din ng nasabing lalawigan.
Taong 2019, sa edad na 86, hindi na muling kumandidato si Raul bilang kongresista. Si Raul ay nagsilbi nang humigit kumulang 20 taon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
At sa kasalukuyan, ang anak naman ni Paul na si Niko Raul Daza ang bagong halal na congressman ng First District ng Northern Samar.
Hay naku, mukhang ang mag-amang sina Paul at Niko naman ngayon ang magsasalitan sa Kongreso. Wala na bang iba? Hoy nortehanon, gising!
(Sundan ang ikalawang bahagi)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com