PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
NGAYONG napili na ng Film Academy of the Philippines ang Magellan movie bilang official entry ng bansa sa susunod na Oscars awards, nangangailangan nga ito ng malakas na support.
Hindi rin naman kasi biro-biro ang pagdaraanang proseso nito bago pa man makakuha ng sapat na boto para mapasama sa official nominees naman ng Oscars.
Tinatayang nasa 100 entries o higit pa ang mga magsusumiteng mga bansa para sa kanilang panlaban.
Normally, nasu-short list ito sa 15 o 10 o anim para maglalaban-laban sa Best Foreign Film category at posible sa ibang categories depende sa pinagdaraanang kampanya.
Magastos at very taxing ang prosesong ito, kaya naman ang mapasama lang sa shortlist ay napakalaking honor na.
From entering the entry to lobbying to campaigning, to sending copies to voting members hanggang sa screening etc, madugo ang proseso para ikampanya ang entry.
Malaking pera talaga ang kailangan para sa mga prosesong nabanggit. Sana nga ay matugunan ito ng gobyerno at ng ibang private groups/individuals na may malasakit sa mga local production natin.
Hindi talaga sasapat ang P1-M lang na ibibigay ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) para makasabay man lang tayo sa gagawing “kampanya” ng ibang bansa.
Sey nga ng mga matitinong nagkukuda sa flood control anomalies, “kung kahit sana 10% man lang ng pinag-uusapang bilyones at trilyones na kurakot ay maiambag man lang sa mga ganitong adhikain, baka sakali.”
Oh Magellan, my, my! Siyanga pala, si direk Lav Diaz ang direktor ng movie habang ang mga producer naman nito ay sina Marta Veira Alves, Joaquin Sapinho, Montse Triola, Albert Serra, Stefano Centini, Bianca Balbuena, Bradley Liew, Mark Victor and our very own Paul Soriano.
Mula sa siyam na oras (na tatak ng isang Lav Diaz sa movies niya), balitang naiksian na ito sa tatlong oras.
Bida rito ang minsan ay naging kontrobersiyal na aktor at nakilala sa Hollywood na si Gael Garcia Bernal bilang Magellan, kasama sina Dario Yazbek Bernal, Jantis Jodorowsky, at ang Pinoy actor na si Ronnie Lazaro bilang si Raja Humabon.
Mula sa point of view ni Magellan ang kwento ng movie kaya’t napaka-kontrobersiyal ang pinag-uusapang “deletion” ni Lapu-Lapu sa kwento ayon sa mga ilang nakapanood na ng movie.
Aabangan natin kung hanggang saan aabot ang kampanyang ito for the Oscars na limang dekada o anim na dekada na yata nating wini-wish na opisyal na mapansin.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com